Pondo ng Cancer Assistance Fund ibalik– Vargas

QC Coun. Alfed Vargas

Ni NOEL ABUEL

Umapela si Quezon City Councilor Alfred Vargas sa Kongreso na ibalik ang alokasyon para sa mga libreng gamot, pangangalaga sa kanser, at paggamot sa ilalim ng Cancer Assistance Fund (CAF) sa panukalang 2023 budget ng Department of Health (DOH).

Si Vargas, na siyang pangunahing may-akda ng National Integrated Cancer Control Act (NICCA) o Republic Act No. 11215 sa kanyang termino bilang kongresista, ay gumawa ng apela matapos malaman na ang alokasyon para sa CAF ay inalis sa panukalang 2023 budget ng  DOH.

Sinabi ni Vargas mula sa P529 milyon noong 2022, ang National Expenditure Plan ng Department of Budget and Management (DBM) ay walang inilaang appropriation CAF na dapat sumaklaw sa mga gastos para sa chemotherapy at iba pang paggamot sa kanser.

Nalaman lamang aniyang nauna nang humingi ang DOH ng budget na P900 milyon bawat isa para sa CAF at sa kaugnay na Cancer and Supportive-Palliative Medicines Access Program (CSPMAP).

“I am hopeful that the respective leaderships and my former colleagues in Congress will reinstate the life-saving CAF and even increase the budget for these key programs. This would help alleviate the burden of cancer patients and their families, especially since most, if not all of them, are still recovering from the effects of the pandemic on their livelihood,” sabi pa ni Vargas.

Giit pa nito na ang mga pangunahing miyembro ng nakaraang Kongreso ay nagbigay ng karagdagang alokasyon para sa mga programang ito, at nagpahayag ng kumpiyansa na patuloy na ipapaabot sa mga pasyente ng kanser ang parehong tulong.

Idinagdag pa ni Vargas na nananatiling ang cancer ang pangunahing health concern sa bansa kung saan sa datos ng Cancer Control Division ng DOH ay nasa 156,000 ang bilang ng cancer patients.

Sinabi ng World Health Organization (WHO) na ang cancer ang nangungunang sanhi ng pagkamatay sa buong mundo na may 10 milyong kaso ang naitala noong 2020.

Sinabi ng mambabatas na noong 2021, tinatayang 20,000 hanggang 24,000 indigent cancer patients ang naka-avail ng mga benepisyo mula sa mga programang ito.

“An increase in the budget allocation would benefit more cancer patients. Cancer, after all, is a financially catastrophic disease. For the most marginalized of our countrymen, these programs are a lifeline and proof of government’s concern for their well-being. Let us continue to extend to them a helping hand. Let’s save lives,” aniya pa.

Leave a comment