Tulong ng pamahalaan sa Pinoy athletes iniapela ni Sen. Angara

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan si Senador Sonny Angara sa pamahalaan na tumulong sa mga atletang Pinoy na nagdadala at nag-uuwi ngayon ng karangalan sa bansa upang hindi umalis ng bansa.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Angara na nababahala iito na ilang mga Pinoy athletes at maging ng mga coaches ang napipitang umalis ng bansa dahil sa kawalan ng suporta sa pamahalaan.

Inihalimbawa nito si Carl Sta. Maria na isang dating tennis player at naging coach ni Alex Eala na dahil sa walang nakitang pag-asa na mabuhay ng maayos sa bansa ay napilitang mag-migrate sa Australia.

“I don’t blame him, he feels he doesn’t earn enough,” ani Angara.       

 “Why do our best and bright leave. Why do our scientists leave? Why do our athletes and coaches leaves?” tanong pa ng senador.

Isa pa sa tinukoy nito na dating Pinoy si Wesley So, na pambato ng Pilipinas sa chess subalit nagdesisyong maging Amerikano dahil sa sinasabing pagkukulang ng suporta ng pamahalaan.

 Aniya, nagkukulang sa estratehiya at pagpaplano para sa mga atletang Pinoy kung kaya’t nanghihinayang ito na nababalewala ang galing ng mga atletang Pinoy.

Samantala, nanawagan din si Angara sa Department of Foreign Affairs at consular offices nito na sa oras na umuwi at dumating sa bansa si Eala, ang kauna-unahang Pinoy athletes na nag-uwi ng US Open junior tournament at Grand Slam singles title  at iba pang atleta  ay maglatag sana ang mga ito ng red carpet.

“I’ll call the  DFA and consular offices at passport offices, please pagdumating ang pasaporte ni Alex Eala at iba pang atleta natin please rollout red carpet to them, please make it easy for them. Because it’s hard enough travelling around the world. Bugbog na ang kanilang katawan sa praktis, gagastos sila ng dolyares, pounds, swiss, franks, euros, na iilang peso lang ang conversion noon. Gumagastos sila kahit hirap at pawis ay dapat tulungan natin sila,” pahayag pa ni Angara, chairman ng Senate Committee on Finance.

“Ito ang panawagan ko at para makapag-concentrate ang ating mga atleta sa kanilang mga tournaments and competitions,” dagdag nito.

Leave a comment