

NI NERIO AGUAS
Naglabas ng abiso ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa lahat ng motorista kaugnay ng isasagawang weekend reblocking sa ilang lugar sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa DPWH, partikular na maaapektuhan ng pagsisikip na daloy ng trapiko sa Manila, Quezon, Makati at Pasig ngayong alas-11:00 ng gabi hanggang Setyembre 19, dakong alas-5:00 ng madaling-araw.
Sinabi ni DPWH National Capital Regional (NCR) Director Nomer Abel P. Canlas na ang reblocking at pagsasaayos ay isasagawa sa tatlong bahagi ng EDSA Northbound mula sa Santolan MRT Station, bus lane; Cubao Bus Station, 2nd lane at Aurora hanggang Kamuning Road.
Gayundin, may road rehabilitation activities din sa kahabaan ng EDSA Southbound sa Quezon City kabilang na ang harapan ng GMA Network Building, U-turn slot service road; Kamuning Road intersection, 1st block service road; at mula Balingasa Creek hanggang Oliveros Footbridge.
Habang ang iba pang kalsada ay ang Fairview Avenue Southbound, di kalayuan sa Mindanao Avenue Exit, 1st lane mula sa center island; Fairview Avenue Northbound, sa panulukan ng Yakal Street, 1st lane; Cloverleaf Northbound, mula EDSA hanggang NLEX segment, outer lane; Quirino Highway, bago ang Manila North Diversion Road (MNDR) Flyover, 2nd inner lane; at Roosevelt Avenue, di kalayuan sa M.H. Del Pilar Street, outer lane.
Samantala, may isasagawa ring repair works sa Maynila partikular sa southbound outer lane ng Mel Lopez Boulevard, sa harap ng North Harbour Center Gate 2 hanggang Vitas Bridge.
At sa C-5 sa Makati at Pasig ay ilang bahagi nito ang isasagawa ang pagsasaayos partikular sa southbound 2nd lane sa Makati City, service road sa harap ng Global Oil Gas Station and truck lane (KM 15 + 171 to KM 15 + 665), sa Pasig City.
Pinapayuhan ng DPWH ang mga apektadong motorista na gumamit ng alternate routes para makaiwas sa pagsisikip ng trapiko.