
NI JOY MADELIENE
Pinangunahan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa pamamagitan ng Public Service Employment Office (PESO) ang job induction program para sa 500 trainees sa ilalim ng free skills training program ng Caloocan City Manpower Training Center (CCMTC).
Ayon sa alkalde, ang nasabing programa ay naglalayong maihanda ang mga trainee para sa paghahanap ng trabaho o magsimula ng maliit na negosyo sa pamamagitan ng pagsasanay na natutunan ng mga ito sa programa.
“Sa tulong ng job induction program, magagabayan ang mga magsisipagtapos sa ating libreng skills training sa paghahanap ng trabaho o pagsisimula ng maliit na negosyo gamit ang mga natutunan nila sa kanilang kurso,” sabi ni Malapitan.
Sinabi pa nito na tutulong din aniya ang PESO sa pagsasanay sa mga trainees sa paghahanda sa kanilang National Certificate (NC) II assessment na isasagawa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
“Sa ilalim din ng ating programa, tutulungan ng PESO sa proseso ang ating mga trainees na sasailalim sa NC-II assessment ng TESDA,” ayon pa kay Malapitan.
Ang aplikasyon para sa susunod na batch ng libreng pagsasanay ay nagpapatuloy at maaaring kumuha ng kurso tulad ng computer operations, automotive mechanics, welding, electronic servicing at motorcycle repair and maintenance.
Maliban dito, kasama rin ang dressmaking, cosmetology, therapeutic massage at culinary.
Sinabi ni PESO Officer-in-charge Violeta Gonzales, na gagamitin sa pagsasanay ang “blended” type na magkahalong face-to-face at online classes sa buong panahon ng training program.
Inihayag din ng alkalde na ang pagsasanay ay libre at bukas para sa lahat ng mga taga-Caloocan, 17-anyos pataas, at walang age limit, gayundin ang mga out-of-school youth, senior citizens, at solo parents.
“Batid naman natin na mahirap maghanap ng trabaho, kaya’t sa mga kababayan natin na hindi nakapagtapos, mga may edad na, o sa mga nais lang matuto sa iba’t ibang programa, inaanyayahan ko po kayong mag-enroll sa ating libreng skills training program,” pahayag pa ni Malapitan.
Sinumang interesado ay maaaring mag-apply sa CCMTC Office-CCMTC Building, F. Roxas St., sa panulukan ng 1st at 2nd Avenue at PESO Office-6/F, Caloocan City Hall-South at PESO Office-3/F Caloocan City Hall-North.
