
NI NERIO AGUAS
Natapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang proyektong pagsasaayos at pagsesemento sa lansangan ng Barangay Balicotoc, Ilog, Negros Occidental na malaking tulong para mapabilis ang biyahe ng mga motorista at pagdadala ng mga produkto ng mga magsasaka.
Ayon sa ulat na ipinadala ni DPWH Region 6 Director Nerie D. Bueno kay DPWH Sec. Manuel Bonoan, ang 695-lineal meter road project na hinati sa dalawang bahagi ay ipinatupad ng Negros Occidental 3rd District Engineering Office sa halagang P9.9 milyon.
Ang 472.1-lineal meter Section 1 ay bahagi ng lansangan sa Ilog hanggang Kabankalan City sa pamamagitan ng Barangay Tapi, at mag-uugnay sa 222.8-lineal meter Section 2 na magsisilbing access road sa kalapit-lugar ng Barangay Magballo sa Kabankalan City.
Kasama rin sa proyekto ang pagsasaayos sa lansangan para sa 2-lane, 6-meter wide concrete road na may probisyon ng grouted riprap at stone masonry bilang proteksyon sa pababang lugar at safety guardrails para sa mga motorista at pedestrians.
Nabatid na dahil sa madalas na pag-ulan, ang daan patungo sa bulubunduking lugar ay nagiging maputik dahilan upang mahirapan ang mga magsasaka na madala ang kanilang mga inaning produkto tulad ng bigas, mais, at tubo.
“With this improved road, local trade is now faster, more convenient, and less costly especially to those in far-flung areas of Ilog going to Kabankalan City and the town of Candoni,” sabi ni Bueno.
