Solon sa DSWD: Pumasok sa MOA sa private drug stores

Rep. Bernadette Herrera

NI NOEL ABUEL

Hinimok ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon party list Rep. Bernadette Herrera ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pumasok sa isang memorandum of agreement (MOA) sa mga pribadong tindahan ng gamot sa buong bansa.

Aniya, ito ay upang ang mga mahihirap na pasyente ay makabili ng gamot gamit ang mga guarantee letter mula sa ahensya sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program nito.

Sinabi pa ni Herrera na ang kanyang panukala ay nakakuha ng inspirasyon mula sa kanyang karanasan bilang isang batang konsehal ng Quezon City noong 2004 nang pumirma ito ng MOA sa DSWD at Mercury Drug para sa pag-avail ng mga mahihirap na pasyente mula sa kanyang distrito ng mga iniresetang gamot gamit ang sarili niyang pera.

Inalala rin ni Herrera ang pagpasok ng Mercury Drug sa MOA kasama ang ilang miyembro ng Kongreso, na brainchild ito noong kalagitnaan ng 2000s, kaya nakatulong sa malaking bilang ng mga mahihirap na pasyente sa Quezon City.

“Sabi ko sa DSWD, sana maibalik ang pag-MOA nila not just with Mercury Drug but also with other drug stores na pwede ang guarantee letter,” ayon pa kay Herrera.

Naniniwala umano ito na ang kanyang panukala ay magagawa at makakatulong sa maraming tao kung isasaalang-alang na karamihan sa mga ospital ng gobyerno ay kulang sa mga inireresetang gamot, lalo na ang mga napatunayang lubos na epektibo.

“Kasi ang problema kahit mag-issue ng guarantee letter sa government hospital wala namang gamot du’n. Hindi masyadong efficient ang pharmacies ng government hospitals,” sabi ni Herrera.

“So if the private drug stores have it, sana makapag-issue na rin ng guarantee letter doon para matulungan ang mga kababayan natin,” dagdag pa nito.

Sa nakalipas na deliberasyon ng Kamara sa panukalang 2023 budget ng Department of Health nitong unang bahagi ng buwan, ibinunyag ni Herrera na gumagawa ito ng panukalang batas na mag-institusyonal sa paggamit ng mga guarantee letter ng mga mahihirap na pasyente sa mga pribadong ospital sa panahon ng emergency.

Ang guarantee letter ay isang pagtiyak sa pagbabayad na iniaalok ng DOH, DSWD at iba pang kinauukulang ahensya at institusyon ng gobyerno kabilang ang Kongreso, sa ngalan ng isang pasyente, para sa bahagi ng bayarin sa ospital.

Sinabi pa ni Herrera na hindi sapat ang isang administrative order kaya’t isusulong nito ang pagpasa ng isang batas na nag-institusyonal ng tulong medikal ng gobyerno sa mga pribadong ospital.

Leave a comment