
NI NOEL ABUEL
Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong i-waive ang mga bayarin sa entrance exam sa kolehiyo para sa mga kwalipikado at mahihirap na estudyante.
Sa 252 boto na pabor sa House Bill (HB) No. 5001, o “An Act mandating private higher educational institutions to waive the entrance examination fees to underprivileged graduating high school students and high school graduates belonging to the top 10 percent of their graduating class”, nagkakaisa ang mga kongresista na ipasa na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nasabing panukala.
Ang HB 5001 ay iniakda ng 31 kongresista sa pangunguna ni Paranaque Rep. Gus Tambunting at Baguio City Rep. Mark Go, na chairman ng House Committee on Higher and Technical Education at ang panukalang Ease of Paying Taxes Act na ipinasa ng Kamara.
Sinabi rin ni Speaker Martin G. Romualdez na nasa tamang landas ang Kamara para aprubahan ang panukalang P2.268-trilyong “Agenda for Prosperity” 2023 national budget sa ikalawa at ikatlo at huling pagbasa ngayong Miyerkules bago mag-recess ang Kongreso sa darating na araw ng Sabado.
Aniya, sinertipikahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang budget bill na nagbigay daan para sa maagang pag-apruba sa panukalang-batas sa paggastos.
Sinabi ni Romualdez na ang Free College Entrance Examinations Act ay pakikinabangan ng libu-libong mahihirap subalit matatalinong estudyante.
“This is our commitment to help promote lifelong learning opportunities and boost sustainable development in the countryside. We know the importance of quality education in changing the world,” sabi ni Romualdez.
Sa kabilang banda, ang mga “underprivileged graduating high school students and graduates” ay ang mga papasok sa kolehiyo, na ang mga magulang ay may pinagsamang kita na mas mababa sa poverty threshold, ayon sa itinakda ng National Economic and Development Authority (NEDA) at ng National Household Targeting System ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bukod sa income criterion at requirement na ang mga graduates ay dapat kabilang sa top 10 percent ng kanilang klase, ang aplikante ay dapat ding natural-born Filipino citizen.
Sa ilalim ng naaprubahang panukala, ang Commission on Higher Education (CHED) ay may mandato na magpataw ng mga parusa sa mga lalabag sa panukalang Free College Entrance Examinations Act.
Ang CHED, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) at Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines, ay magpapatupad din ng mga patakaran at regulasyon sa loob ng 90 araw mula sa pagsasabatas ng panukalang batas.