P5.268T GAB aprubado na ng Kamara

Ni NOEL ABUEL

Pumasa na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang P5.268 trillion national budget sa 2023.

Sa botong 289 pabor at tatlong tutol, inaprubahan ng Kamara ang  House Bill (HB) No. 4488 o ang General Appropriations Bill (GAB) sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa mismong araw na inilabas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang sertipikasyon  ng General Appropriations Bill.  

Pinuri ni Speaker Martin G. Romualdez ang mga kapwa nito mambabatas para sa kanilang mahalagang kontribusyon sa mabilis na pagpasa ng GAB at sa pagtiyak na ang bawat sentimo ay ginagastos nang matalino upang maipatupad ang mga programa ng administrasyong Marcos na naglalayong muling buhayin ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng matagal na masamang epekto ng COVID-19 pandemic.

“The expeditious passage of the proposed 2023 budget is the product of the collective effort of the entire House, in transparent and open proceedings where the majority accorded ample opportunity for the constructive inputs of our friends from the minority bloc,” ani Romualdez. 

Aniya, ang budget na inaprubahan ng Kamara para sa 2023 ay nananatiling pare-pareho sa 8-point socio-economic agenda ng administrasyong Marcos upang makamit ang sustainable growth.

At sa pag-apruba ng GAB sa ikatlo at huling pagbasa ngayong araw ng Miyerkules, naabot ng Kamara ang sarili nitong ipinataw na deadline para wakasan ang deliberasyon sa panukalang 2023 budget bago ang adjournment ng session mula Oktubre 1 hanggang Nobyembre 6, 2022.

Inabot ng halos anim na linggo ang Kamara upang aprubahan ang GAB, mula noong isumite ng Department of Budget and Management (DBM) ang National Expenditure Program (NEP) noong Agosto 22, 2022.

Kinilala ni Romualdez ang mahalagang papel ni House Majority Leader at Rules Committee chair Manuel Jose M. Dalipe, Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, chairman ng House Committee on Appropriations, at senior vice chairperson ng House committee on appropriations at  Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo sa pangunguna sa pagpasa ng 2023 budget, kasama ang mga deputies at iba’t ibang grupo na namahala sa daloy ng deliberasyon sa plenaryo.

Nauna rito, tinukoy ng economic team ng administrasyon na ang layunin ng administrasyong Marcos ay naglalayong makamit ang 6.5 hanggang 8.0 porsiyentong tunay na paglago ng Gross Domestic Product (GDP) taun-taon sa pagitan ng 2023 hanggang 2028 upang makamit ang single-digit o 9.0 porsiyentong antas ng kahirapan sa taong 2028.

Leave a comment