
Ni NERIO AGUAS
Dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang UK national na nasa likod ng operasyon ng child sex website sa bansa.
Kinilala ni BI Commissioner Norman G. Tansingco ang nadakip na dayuhan na si John Crotty, 64-anyos, ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit and Intelligence Division sa tulong ng Tangub City police sa Tangub City noong nakalipas na Setyembre 15.
Sinabi ni Tansingco, si Crotty ay iniimbestigahan sa umano’y film piracy matapos na makuha sa pag-iingat nito ang mga larawan ng mga menor-de-edad na Pinay sa pinatatakbo nitong website at social media accounts.
Sa imbestigasyon, natuklasan na nakulong na rin ng 9-taon si Crotty sa UK kung saan nang makalaya ito ay nagtungo ito sa Pilipinas at dito ipinagpatuloy ang illegal na gawain nito.
“The arrest followed after receiving official communication from British authorities informing us that Crotty became the subject of an Interpol green notice that was issued last Feb. 21,” sabi ni BI Intelligence Chief Fortunato Manahan, Jr.
Sa record ng BI, sinabi ni Manahan, na si Crotty ay dumating sa bansa noong Pebrero 6 bilang turista ngunit simula noong ay hindi na ito nag-renew ng visa hanggang sa magtago na sa Pilipinas.
“These predators pose a serious threat to our women and children and there is no place for them here,” sabi ni Tansingco.
Kasalukuyang nakadetine sa BI jail facility sa Bicutan, Taguig ang nasabing dayuhan habang inihahanda ang kaso laban dito at pagsasailalim na sa BI blacklist.
