
NI NOEL ABUEL
Binulabog ng boksingerong si Floyd “Money” Mayweather ang mga residente ng Sampaloc, Manila nang dumating at makisalo sa pagkain at maglaro ng basketball.
Nabatid na si Mayweather ay dumating sa bansa noong Setyembre 27, sa paanyaya ni Tutok to Win party list Rep. Sam Verzosa, lulan ng private jet na The Money Team (TMT) upang pasinayaan ang bagong opisina ng Frontrow (Frontrow Headquarters) na pag-aari ng mambabatas.
“Importante sa isang tao na huwag makalimot sa kanyang pinanggalingan lalo na kung galing siya sa hirap. Ako proud ako na dito ako lumaki sa Sampaloc, Manila. Kaya naman niyaya naming tumambay si Floyd Mayweather dito sa amin para maranasan niya ang katotohanan ng buhay dito sa bansa natin. Sa kalye lang kami nag-dinner at tumambay. Pero pinakita rin natin kung paano mag-asikaso ng bisita ang mga Pilipino,” paliwanag ni Verzosa.
Tuwang-tuwa at aliw na aliw naman si Floyd Mayweather habang nakatambay sa isang kalye sa Sampaloc at nilatagan ni Verzosa ng mga pagkaing pangkaraniwang hinahanda ng mga Pilipino tuwing may salu-salo gaya ng inihaw na manok, hotdogs, at kanin.
Kumuha rin si Verzosa ng sorbetero para makatikim si Mayweather ng “dirty ice cream” at makumpleto ang kanyang Pinoy streetfood at tambay experience.
Ayon kay Mayweather ito na ang pinakamagandang karanasan nito sa Pilipinas at maging sa buong Asya.
“[it was his] best experience in the Philippines and in Asia so far,” nasabi ni Mayweather na tumagal ng halos 5-oras na nakipagbiruan sa mga taong dumalo sa pagbisita nito sa Sampaloc.
Game na game ring tumira ng ilang basketball si Mayweather at nagpakitang gilas din sa sunud-sunod nitong tira na pumasok sa ring.
Inanyayahan ni Cong. Verzosa si Mayweather na bumisita sa kanyang kinalakhang kalye sa Sampaloc, Manila, upang makapagbigay kasiyahan at inspirasyon sa mga kabataan at batang kapitbahay ni Verzosa sa Sampaloc.
“Maraming-maraming salamat sa mga ka-barangay ko at pinakitaan natin si Mayweather ng tunay na hospitality at respeto ng mga Pilipino. I’m always proud na Batang Sampaloc ako,” dagdag pa ni Verzosa.
