By Online Balita team
Nabulabog ang Philippine National Police (PNP) makaraang ma-hostage si dating Senador Leila de Lima ng tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group ( ASG) na nagtangkang tumakas.
Agad na iniutos ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. ang malalimang imbestigasyon sa tangkang pagtakas ng mga presong sina Arnel Cabintoy, Idang Susukan at Feliciano Sulayao Jr. mula sa Custodial Center.
Base sa inisyal na ulat, nagawang makalabas sa piitan ng nasabing mga inmates at agad na sinaksak ang isang nagbabantay na police officer.
Nakaresponde naman ang isa pang pulis na naka-duty at nagpaputok ito sa mga preso at agad na duguang humandusay sina Cabintoy at Susukan.
Nagawa namang makatakbo si Sulayao at nagtungo sa custodial cell ni De Lima at ginawang hostage.
Agad namang rumesponde ang mga miyembro ng Special Action Force sa insidente at nakipag-usap kay Sulayao ngunit hindi nagtagumpay.
Subalit tumanggi ito hanggang sa ilang minuto ay nagawang makumbinse ng tactical team si Sulayao na sumuko.
Ligtas na ngayon si De Lima habang ang pulis na nasaksak ay isinugod sa ospital para malapatan ng lunas.
“That is all we can tell you at the moment. We will keep you posted of other developments as more information becomes available,” ayon kay Azurin.