
Ni NOEL ABUEL
Kasabay ng pagdiriwang ng taunang buwan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na may temang “Isang Bahay, Isang Tinig,” ang House Medical and Dental Service (MDS) sa ilalim ng Administrative Department sa pamumuno ni Deputy Secretary-General Ramon Ricardo Roque, CESO I, Diplomate, ay muling sinimulan ang programa na nagbibigay ng libreng bakuna sa pulmonya at trangkaso sa mga miyembro ng Kamara, mga opisyal ng secretariat at empleyado, gayundin para sa mga kawani ng Kongreso na may membership sa Kaiser.
Isa sa miyembro ng Kamara na nagpaturok ng flu vaccine ay si OFW Rep. Marissa “Del Mar” Magsino na nagpahayag ng paniniwala sa epektibong epekto ng bakuna.
“Naniniwala po ako na kailangan maging malusog po tayo ng makapagserbisyo tayo ng tunay sa mga OFWs at sa ating mga kababayan. As they say, health is wealth,” sabi ni Magsino.
Hinikayat ni Magsino ang lahat na i-maximize ang mga benepisyo ng programa ng pagbabakuna at pinasalamatan nito si Speaker Ferdinand Martin Romualdez para dito.
Nabatid na ang panahon ng pagbabakuna ay tatakbo mula Oktubre 3 hanggang 13, 2022, at magagamit ang 1,000 pneumonia at 2,000 na bakuna laban sa trangkaso.