
Ni NOEL ABUEL
Malugod na tinanggap ng mga senador at kongresista ang delegasyon ng kongreso mula sa United States (US) na nagpapahiwatig ng patuloy na pagsisikap ng dalawang bansa na palakasin ang matagal nang bilateral relations.
Sina Senador Imee Marcos at Pangasinan Rep. Rachel Arenas, Marikina Rep. Stella Quimbo, at Camarines Sur Rep. Tsuyoshi Anthony Horibata ang nakiipagpulong sa bipartisan US congressional delegation na binubuo nina Rep. Seth Moulton (Massachusetts-Democrat) at Mike Waltz (Florida-Republican) sa Manila Golf and Country Club.
Ang PH-US congressional delegations meeting ay naganap noong Setyembre 22, 2022 bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. at US President Joe Biden sa sideline ng 77th session ng United Nations General Assembly (UNGA).
Sa nasabing bilateral meeting, muling pinagtibay ni Pangulong Biden ang pangako ng US na ipagtatanggol ang Pilipinas sa sinumang bansa na sasakop dito.
Tinalakay rin ng mga ito ng sitwasyon sa South China Sea at binibigyang diin ang kanilang suporta para sa kalayaan sa paglalayag at overflight at ang mapayapang paglutas ng mga hindi pagkakaunawaan.
Tinalakay rin nina Marcos at Biden ang mga pagkakataong palawakin ang bilateral cooperation sa maraming usapin, kabilang ang seguridad sa enerhiya, climate action, at imprastraktura, gayundin ang nagpapatuloy na digmaan sa pagitan ng Ukraine-Russia at ang mga implikasyon nito para sa mga presyo ng enerhiya at seguridad sa pagkain.
Ang pagbisita ng mga mambabatas ng US, na parehong miyembro ng US House Committee on Armed Services, ay naganap habang sinisimulan ng 2,550 US Marines at kanilang 630 Filipino counterparts ang unang yugto ng dalawang linggong joint military exercises.
Ito ang kauna-unahang joint military exercises sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Marcos na tinawag na “Kamandag” o “Cooperation of the Warriors of the Sea” na magtatagal hanggang Oktubre 14 sa lalawigan ng Zambales.
Nagpadala rin ng tropang militar ang South Korea at Japan bilang mga observers.