DBM at DOH pinuri sa pagpapalabas ng P529M cancer assistance fund

Rep. Bernadette Herrera

Ni NOEL ABUEL

Pinuri ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon party list Rep. Bernadette Herrera ang Department of Budget and Management (DBM) at ang Department of Health (DOH) sa pagtitiyak na mayroong higit sa P500 milyong halaga ng tulong pinansyal sa mga Pilipinong pasyente ng cancer.

“We applaud and thank the DBM, particularly Secretary Amenah Pangandaman, and the DOH for heeding our incessant call to provide funding for the government’s cancer assistance program, which is a vital component of Republic Act 11215 or the National Integrated Cancer Control (NICC) Act of 2019,” ani Herrera.

“With this funding, the government can now provide life-saving support to cancer patients and their families who are facing financial challenges, especially amid the COVID-19 pandemic,” dagdag nito.

Una nito, inanunsyo ng DBM na ang cancer assistance fund (CAF) na nagkakahalaga ng P529.2 milyon ay magagamit na hanggang sa katapusan ng 2023.

Ayon sa budget department, ang alokasyon ay kasama sa 2022 budget ng DOH sa ilalim ng RA 11215 na nagbibigay ng financial support para sa mga cancer patients.

Ang pondo ay inilabas matapos lagdaan ng DBM at ng DOH ang isang joint memorandum circular na nagbabalangkas sa mga alituntunin ng CAF.

Matatandaang nangako si Herrera na gagawin ang lahat ng pagsisikap para maibalik sa 2023 national budget ang P500 million line item allocation para sa mga cancer patients matapos malaman na hindi ito kasama sa 2023 National Expenditure Program na isinumite ng DBM sa Kongreso.

“We will do everything in our power to make sure that the cancer assistance fund will be included in the final version of the 2023 national budget,” sabi ni Herrera.

Ang NICC Act, na nilagdaan bilang batas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 2019, ay nagtatatag ng National Integrated Cancer Control Program na magsisilbing balangkas para sa lahat ng aktibidad ng gobyerno na may kaugnayan sa kanser.

Ang programa ay naglalayon na bawasan ang kabuuang dami ng namamatay at epekto ng lahat ng kanser sa mga nakatatanda at mga bata; at maiwasan ang pag-ulit ng kanser, metastasis at secondary cancer sa mga survivors at people living with cancer.

Nilalayon din nitong magbigay ng napapanahong access sa pinakamainam na paggagamot at pangangalaga sa kanser para sa lahat ng mga pasyente ng kanser; gawing mas abot-kaya at naa-access ang paggamot at pangangalaga sa kanser; mapabuti ang karanasan ng paggamot sa kanser at pangangalaga ng mga pasyente at pamilya; suportahan ang pagbawi at muling pagsasama sa lipunan ng mga nakaligtas sa kanser; at alisin ang iba’t ibang uri ng pasanin sa mga pasyente, mga taong may kanser, mga nakaligtas at kanilang mga pamilya.

1 Comment

  1. Gud eve po, tanong kolang po kung paano makakahingi ng tulong financial dahil yung asawa kopo ay cancer patient.Taga Pampanga po kme.

    Like

Leave a reply to Arlene Guintu Hilario Cancel reply