
Ni NOEL ABUEL
Hiniling ni Cavite 4th District Rep. Elpidio Barzaga Jr. ang muling pagbubukas ng imbestigasyon ng Kongreso sa umano’y paglabag sa batas na ginawa ng kumpanya ng media na ABS-CBN Corporation.
Sinabi ni Barzaga, na vice chairperson ng House Committee on Legislative Franchises, kailangang muling bisitahin ang mga isyu laban sa ABS-CBN sa isinagawang imbestigasyon ng nakaraang Kongreso upang matukoy kung naitama ng kumpanya ang mga legal na paglabag at iba pana humantong sa pagtanggi na makuha ang legislative franchise nito noong 2020.
“These legal and constitutional issues include the possible violations committed by ABS-CBN on the constitutional limits on foreign ownership, its reported violations of labor and tax laws and other violations of its previous franchise. We have to find out if ABS-CBN has been following the law or continuing to violate or circumvent it,” sabi ni Barzaga.
Naalala ng beteranong mambabatas na una nang sinubukan ng ABS-CBN na sumanib sa TV-5 sa hangaring sumakay sa legislative franchise na ipinagkaloob sa huli kung saan agad na pinawalang bisa ang pagsasanib nang ihayag ng ilang mambabatas na plano nilang imbestigahan ang nasabing kasunduan.
Kasunod ng bigong merger bid na ito, pumirma ang ABS-CBN ng isa pang kasunduan, sa pagkakataong ito kasama ang mga international cable channel na Discovery Asia at ang Asian Food Network.
Aniya, bagama’t sinabi nito na wala itong nakikitang posibleng paglabag sa kasunduang ito sa ngayon, hindi naman aniya batid kung may iba pang kasunduan na pinasok ang ABS-CBN na kailangang suriin para malaman kung lumalabag sila sa batas.
Sinabi ni Barzaga na ang muling pagsisiyasat ng Kongreso sa ABS-CBN ay maaaring makinabangan pa ng kumpanya dahil naalala nito na sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makakakuha ito ng bagong prangkisa kapag ang lahat ng mga isyu laban dito ay nasagot.
Tinanggihan ng 18th Congress ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa isang bagong 25-taong prangkisa sa kadahilanang ang kumpanya ay lumabag sa mga limitasyon ng Konstitusyon sa dayuhang pagmamay-ari, tulad ng ipinakita ng pag-iisyu nito ng Philippine Depositary Receipts (PDRs) sa mga dayuhan.
Sinabi ng nakaraang House Committee on Legislative Franchises na posibleng lumabag ito sa probisyon ng Konstitusyon laban sa pagmamay-ari at pamamahala ng mass media ng mga dayuhan.
Samantala sinabi ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party list Rep. France Castro na mistulang naaabuso na ang kapangyarihan ng Kongreso.
“Kung totoo ito ay parang naaabuso ang kapangyarihan ng Kongreso na kung ang media ay di kaalyado ng administrasyon ay hina-harass ito at iniiipit. Tinanggalan na nga ng prangkisa maski walang napatunayang mga paglabag ay patuloy pa ring tinutugis ang ABS-CBN dahil sa kanilang paglalahad ng katotohan,” sabi nito.
“Sa totoo lang SMNI dapat ang iniimbestigahan hindi ang ABS-CBN. Napakarami na nitong paglabag sa KBP code of ethics at mga panuntunan sa prangkisa nito dahil sa pagkakalat ng kasinungalingan, red tagging at fake news pero hindi ito ginagalaw dahil alyado ng nakaraan at kasalukuyang adminsitrasyon. Sana ay walang double standards,” ayon pa kay Castro.