
Ni NERIO AGUAS
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Taiwanese national at dalawang Indians na nagtangkang umalis ng bansa subalit naharang sa Clark International Airport (CIA).
Kinilala ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan, Jr. ang nadakip na Taiwanese na si Lai Po Ving, 33-anyos at ang dalawang Indians na sina Amritpal, 30-anyos at Pritpal Singh, 24-anyos na nagtangkang sumakay ng Tiger Air flight patungong Singapore noong Oktubre 6.
Ayon kay Manahan, si Lai ay gumamit ng Turkish passport sa pangalang Lai Bulut na nagpakita ng Special Investor’s Resident Visa (SIRV) card.
Matapos isailalim sa beripikasyon sa travel history ni Lai ay natuklasang may summary deportation order ito na inilabas noong Abril 2021 para sa paglabag sa mga tuntunin at kundisyon ng kanyang paglagi sa ilalim ng Philippine Immigration Act of 1940.
Nadiskubre rin na si Lai ay wanted ng Taiwan Police Attache sa paglabag sa Anti-Illegal Drug Act.
“He tried to evade prosecution for his crime by using his Turkish passport, but his plan was foiled by our officers who were very thorough in checking his records,” sabi ni Manahan.
Samantala, sina Amritpal at Singh ay nadakip dahil sa paggamit ng pasaporte na may pekeng Philippine entry visas, visa extension stickers, at arrival stamps.
“These attempts to use visas and stamps to clear immigration inspection are futile. Our officers undergo rigorous training to detect dubious documents,” sabi ni BI Commissioner Norman Tansingco kasabay ng pagpuri sa mga tauhan nito sa pagdakip sa naturang mga dayuhang.
“These arrests are a testament to our officers’ vigilance in manning our ports. Rest assured that we will remain true to our mission to contribute to national security and development,” sabi ni Tansingco.
Ang mga nasabing mga dayuhan ay nai-turnover na sa BI para harapin ang kaso laban sa mga ito.