
NI JOY SAN MIGUEL
Nilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tinatanggap na ang ePhilID bilang accredited government-issued valid ID na nagsimula noong nakalipas na araw ng Biyernes, Oktubre 21, 2022.
Ayon sa Department of Foreign Affairs–Office of Consular Affairs (DFA-OCA), maaari nang gamitin ng publiko ang kanilang national ID para makapag-apply ng pasaporte.
Sinabi ng DFA na para sa karagdagang impormasyon tungkol sa digitized version ng PhilSys ID o National ID ay tingnan ang website nito.
Pinapaalala ng DFA na kailangang siguraduhin na ang printed na kopya ng ePhilID ay malinaw, nababasa, at naglalaman ng mga detalye na tugma sa mga detalye na ipapasa para sa pag-apply ng passport.
Para sa iba pang impormasyon tungkol sa passport requirements, maaring bisitahin ang: https://dfa-oca.ph/passport/passport-requirements/.
Nabatid na sa mga nakaraang araw ay ilang kumukuha ng pasaporte ay hindi tinatanggap ang National ID dahilan upang umuwing luhaan ang mga ito.
Ipinagtataka ng marami na sa kabila na naging batas na ang National ID ay hindi pa rin ito kinikilala sa ilang ahensya ng pamahalaan tulad ng DFA at ipinagtataka pa na mas kinikilala ang Philpost ID para sa pagkakakilanlan.