
Ni JOY MADALEINE
Kinilala ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang ilang cooperative organizations sa lungsod na tumutulong sa taumbayan.
Sa isinagawang programa na pinangunahan ng Cooperative Development and Coordinating Office sa Galing Koop program noong Oktubre 24, sa Bulwagang Katipunan, Caloocan City Hall-South.
Ang parangal ay ibinigay at kumikilala sa laki organisasyon, financial performance, social development contribution at pagpapahalaga sa mga nakilahok sa kamakailang cooperative bazaar.
“Congratulations po sa mga kooperatiba na pinarangalan sa Galing Koop awarding ceremony ng Cooperative Development and Coordinating Office. Malaking bahagi po kayo ng ating tuluy-tuloy na pagbangon. Kinikilala po natin ang inyong patuloy na pagsisikap para sa inyong organisasyon,” sabi ni Malapitan.
Tinitiyak din nito sa mga kooperatiba na patuloy na sinusuportahan ng lokal na pamahalaan ang kanilang mga programa at gawain na nakatuon sa pagpapaunlad ng komunidad.
“Ipagpatuloy ninyo po ang inyong mga programa para sa inyong sektor at mga miyembro. Palagi po kaming nakasuporta sa inyo sa pamahalaang lungsod,” ayon sa alkalde.
Kabilang sa tumanggap ng parangal ang Community Water Service Cooperative of Northville 2B-Phase 2, Novaliches Development Cooperative (NOVADECI)-Camarin, Sta. Quiteria Multi-purpose Cooperative at ang UE Caloocan Multi-purpose Cooperative.