Death penalty hindi sagot sa pagdami ng kaso ng krimen sa bansa– Sen. Cayetano

Si Senador Alan Peter Cayetano habang kinakapanayam ng mga mamamahayag hinggil sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.

Ni NOEL ABUEL

Tinutulan ni Senador Alan Peter Cayetano ang ideyang pagbabalik ng death penalty sa bansa bilang solusyon para mapababa ang bilang ng krimen sa Pilipinas.

Aniya, sa halip ay kailangang palakasin ang justice system ng bansa at masigurong mahuhuli nito ang mga kriminal.

Sa panayam sa kanya ng reporters noong selebrasyon ng National Correctional Consciousness Week sa Taguig, October 27, 2022, sinabi ni Cayetano na kahit sang-ayon ito sa pagpapataw ng “harshest penalty” sa mga murderer, mga user at pusher ng ilegal na droga, at mga plunderer, hinahanap nito ang kasiguraduhan na kapag may nangyaring krimen ay maiimbestigahan agad at mahuhuli agad ang may sala.

Aniya, malawak na police intelligence at pinaigting na investigation capacity ang susi para agad mahuli ang mga kriminal tulad ng ginagawa sa Singapore.

“Sa Singapore, kapag nagnakaw ka doon, pinakamatagal na ‘yung tatlong oras, makikita agad. Pero sa atin, matagal na ‘yung imbestigasyon, matagal pa ‘yung paglilitis, kung anu-ano nangyayari, and then walang certainty na mapaparusahan,” aniya.

Punto ni Cayetano, hindi death penalty kundi ang kasiguraduhang mahuhuli ang may sala ang pumipigil sa isang tao na gumawa ng krimen ayon sa mga pag-aaral patungkol sa penology, law and order, at krimen.

“Hindi pinag-uusapan [sa Singapore] kung papaluin ka kasi o isang taon ang kulong. Ang pinag-uusapan doon, takot ka kasi alam mong mahuhuli ka,” sabi nito.

Ang pahayag na ito ni Cayetano ay kasunod ng kabi-kabilang paglitaw ng mga pangalan ng personalidad na itinuturong may kinalaman diumano sa pagpatay sa beteranong radio broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa tatlong linggo na ang nakalipas.

“Kahit itaas mo ‘yan to death penalty, kahit na ibulgar mo kung sino ‘yan, kung hindi naman mahuhuli, it will not prevent more crimes,” ayon pa dito.

Panawagan pa ng senador sa pulisya at ang opisyales na humahawak sa kaso ng pagkamatay ni Lapid na bawasan ang paglalabas ng mga detalyeng nakakalap ng mga ito mula sa ginagawa nilang imbestigasyon.

Sa alegasyon naman na may mga krimen na nagaganap at pinaplano sa loob mismo ng preso, muling nanawagan si Cayetano na himukin ang mga inmate na i-report sa awtoridad ang ganitong mga gawain dahil taliwas aniya ito sa mismong layunin ng mga correctional facility na maparusahan at mapagbago ang mga nagkasala.

Kasama ang kanyang asawang si Mayor Lani Cayetano at si Taguig 1st District Rep. Ricardo “Ading” Cruz, bumisita at nag-abot ng mga donasyon si Cayetano sa mga person deprived of liberty (PDLs) sa Taguig at ang mga personnel ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Muling nangako ang mag-asawang Cayetano na patuloy nilang susuportahan ang mga programang makatutulong sa mga PDLs at kanilang mga pamilya sa aspeto ng skills at livelihood basta’t makikiisa anila ang mga PDLs sa mga programa sa loob ng piitan.

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s