
Ni JOY MADALEINE
Personal na hinandugan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ng 43 sari-sari store packages ang mga residente ng lungsod bilang bahagi ng pagdiriwang sa kanyang ika-43 na kaarawan.
Ayon sa ama ng lungsod, hiniling nitong matulungan ang mga nanalo sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng panimulang negosyo bilang pantawid sa kanilang mga pangangailangan sa araw-araw.
“Sa aking ika-43 na kaarawan, hatid nati’y 43 na pangkabuhayan para sa ating mga kababayan. Ilan po sa mga nanalo’y senior citizen, PWD, solo parent at may mga karamdaman. Ang iba naman po’y lumalaban nang patas sa gitna ng krisis bilang padyak, security guard at dating tindera na nawalan ng puhunan dulot ng pandemya,” pahayag ng alkalde.
“Hiling natin na makatulong itong panimula sa inyong maliit na negosyo at pantustos sa inyong pang araw-araw na gastusin,” dagdag pa ng nito.
Maliban pa rito, nanawagan si Malapitan sa mga nanalo na tumulong sa kanilang kapwa sa abot ng kanilang makakaya, kahit pa sa maliit na pamamaraan.
“Tulad po ng sinabi natin kanina, hiling ko lang na mapalago ninyo ito at balang araw, maibalik ninyo ang tulong na ito sa inyong kapwa. Keep kindness going,” ayon kay Mayor Along.
Ang nasabing programa ay matagumpay na naisagawa sa pagtutulungan ng Public Information Office, General Services Department, Public Safety and Traffic Management Department, City Engineering Department, at ng Office of the General Manager-North.