
Ni NOEL ABUEL
Nakiramay si Senador Christopher “Bong” Go sa mga binawian ng buhay dahil sa pananalasa ng tropical storm Paeng sa buong bansa.
“Ako ay tauspusong nakikiramay sa mga kababayan nating apektado ng bagyong Paeng, lalo na ‘yung mga pamilyang nawalan ng kanilang mga mahal sa buhay,” pahayag ni Go.
Aniya, nakahanda itong tumulong sa mga naapektuhan ng bagyo upang maibsan ang dinaranas na trahedya dulot ng kalamidad.
“Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng aking opisina sa mga local government units na apektado upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang nasasakupan,” sabi ng senador.
“In coordination with concerned agencies, we are here to help. Tutulong po kami sa abot ng aming makakaya para makapagpadala ng mga agarang suporta at maibsan man lang ang bigat na dinadala ng ating mga kababayan,” dagdag nito.
Muli ring binuhay ni Go ang panawagan nito na magtayo ng Department of Disaster Resilience upang makapagpatayo ng evacuation sites sa bawat bayan, syudad at probinsya.
“The extent of devastation caused by this typhoon and recent calamities makes our call to establish the Department of Disaster Resilience and to build mandatory evacuation centers in every town, city and province more relevant more than ever. As we commiserate with those who have lost lives, let us do our best to ensure we can save more lives now and protect more lives in the future,” paliwanag pa nito.
Nagpaalala rin si Go, chairman ng Senate Committee on Health, na siguraduhing nasusunod ang mga minimum health protocols sa mga evacuation centers upang maiwasan ang hawahan ng sakit, lalo na’t meron pang pandemya.
“Siguraduhin din nating may sapat na gamot at pangangailangang pangkalusugan sa mga evacuation centers at health units sa mga apektadong lugar,” aniya pa.
“Patuloy lang po tayong magbayanihan at makipagtulungan sa ating pamahalaan para sama-sama nating malampasan ang isa na namang hamon sa katatagan at pagkakaisa nating mga Pilipino,” pahayag pa ni Go.