
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan ng tulong sa mga non-governmental organizations (NGOs) at iba pang pribadong sektor si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. para matulungan ang mga naging biktima ng bagyong Paeng.
Ginawa ng senador ang apela sa ginawang pamamahagi ng ayuda sa mga residente ng Aniban 2, Aniban 3, 4 at 5 gayundin sa Ligas 2, Ligas 3 at San Nicolas ngayong araw kung saan marami ang nasira ang kabahayan dahil sa malaking pagbaha sa lungsod.
Ayon sa senador, sa 73 barangay sa Bacoor, Cavite, 69 na barangay ang lumubog sa baha dulot ng walang tigil na pag-ulan noong kasagsagan ng bagyo.
Aniya, aabot sa mahigit sa 400,000 indibiduwal ang naapektuhan sa Bacoor City, at ginagawa ng lokal na pamahalaan ang lahat para matulungan ang mga ito subalit nangangambang kulangin ang pondo.
Kahapon ay halos buong maghapon ay pinuntahan ni Revilla ang kaniyang mga kababayan at binigyan ng Family Food Packs at relief packs upang maitawid ang kasalukuyang sitwasyon lalo na ‘yung mga nasa evacuation area.
Dahil sa kalunus-lunos na kalagayan ng maraming pamilya sa mga nabanggit na lugar ay hindi maiwasang maluha ang ilang magulang habang tinatanggap ang dalang biyaya ni Revilla na hindi pa man humuhupa ang bagyo ay inihahanda na.
Bawat lugar na pinuntahan ni Revilla ay binibigyan nito ng mensahe na huwag panghihinaan ng loob dahil pagsubok lamang umano ang lahat at hindi umano ito ibibigay ng Panginoon kung hindi kakayanin.
“Hindi ako makatulog ng maayos dahil naiisip ko ang kalagayan ng ating mga kababayan, kaya habang naghahanda kami kung paano isasayos ang mga nasirang lugar ay nagdadala muna kami ng mga makakain at iba pang pangangailangan” saad ni Revilla.
Matatandaan na hindi pa halos tuluyang lumalabas ng bansa ang nanalasang bagyong Paeng ay agad nang namahagi ng tulong si Revilla noong nakaraang Sabado sa Kawit, Noveleta, Tanza at Brgy. Panapaan 3 at 4 na lahat ay pawang sa lalawigan ng Cavite.
Kasagsagan habang bumabayo ang bagyong Paeng noong araw ng Biyernes sa buong bansa ay abala na ang kampo ni Revilla sa pagbabasta ng mga ipamamahaging Family Food Packs at relief packs at paghinang-paghina ng hangin ay agad na silang sumaklolo sa pinakamalalapit na puwede nang tulungan.
Sinabi ni Revilla na tuluy-tuloy ang isasagawa niyang pamamahagi ngunit dahil sa lawak ng pinsala sa buong bansa ay hindi naman kayang sabay-sabay ngunit sisikapin umano niyang makapagbigay ng tulong sa mga nasalanta.