
UNANG column natin ito.
Salamat sa utol nating veteran newsman na si Noel Abuel na nagbigay tiwala upang makapagsulat dito sa OnlineBalita.Com.
Sa mga hindi pa nakakakilala sa inyong lingkod, isa rin tayong beteranong mamamahayag, tulad ni Mr. Abuel.
Medyo may edad lang tayo nang kaunti kay Abuel dahil halos apat na dekada na tayong nasa industriya ng pamamahayag.
Nagsimula tayo bilang photo-journalist sa Philippine Journalist Inc. (PJI) na tagapaglimbag ng People’s Journal, People’s Tonight at People’s Taliba.
Naging close-in photographer din po tayo ni dating Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto. Naging close-in fotog din tayo ni Senator Imee Marcos at nag-cover na ng iba’t ibang national at local elections nationwide.
Sa ngayon ay regular correspondent tayo sa The Manila Standard, isang broadsheet newspaper.
Sa tagal na natin sa industriya, halos naikot na natin ang lahat ng ‘beat’ sa ‘coverage.’
Police, NBI, PNP, Crame, DND, DILG, DOJ at kahit ang Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa lawak ng ating karanasan, halos na-cover at nasaksihan na natin ang mga malalaking istorya at trahedya na naganap sa ating bansa.
Ilan sa mga ito ay ang bagyong Yolanda, ang pagputok ng Mt. Pinatubo at iba pang malalaking pangyayari sa bansa kung saan nasaksihan natin ang masasasakit at nakakalungkot na trahedya.
Marami na rin tayong na-establish na ‘asset’ sa pamahalaan kaya asahan n’yong sa mga susunod na araw ay may mga maisusulat tayo patungkol sa anomalya, kabulastugan at kahit ang Marites (Mare Ano ang Latest) sa likod ng mga balita.
Sa mga nagtatanong kung ano ba ang ibig sabihin ng ‘beat’ ay lengguwahe ito sa mga mamamahayag kung saang area sila naka-assign.
Halimbawa, ang ‘beat’ ni reporter ganito ay sa KAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela), samantalang ang beat naman ni ganito ay sa Senado.
At dahil malawak ang sasakupin ng ating column, minabuti kong pangalanan ang aking column na David on the Beat dahil alam n’yo na naman na ang pangalan ko ay Jun David.
Asahan n’yo pong sa mga susunod nating column ay magiging ‘interesting’ ang mga ilalabas nating topic.
Manatili po sana kayong mag-monitor sa OnlineBalita.
Hanggang sa muli po!