
NI NERIO AGUAS
Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) na ipinatapon na ang 21 Chinese illegal online gambling workers pabalik ng kanilang bansa.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ito na ang ikalawang batch na pinaalis sa bansa kung saan ang 21 Chinese nationals ay isinakay sa Philippine Airlines flight patungo sa Wuhan, China noong Nobyembre 2.
Magugunitang noong Oktubre 19, 2022 ay una nang nai-deport ang 6 na Chinese nationals.
Nabatid na ang 21 Chinese nationals ay bantay-sarado ng mga operatiba ng BI’s Warden Facility Protection Unit, Border Control and Intelligence Unit, at Intelligence Division.
Una nang iniulat ng BI na ipapatupad ang deportation sa mahigit sa 300 foreign nationals na karamihan ay Chinese citizens, na naaresto ng mga awtoridad dahil sa illegal online gambling.
Sinabi ni Tansingco na ipinarating na nito kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ang ginagawang aksyon ng BI laban sa mga illegal workers sa bansa.
“We will ensure that those involved in illegal activities be deported and blacklisted. This is to create a safe space for foreign nationals who comply with immigration policies are here in the country legally,” sabi ni Tansingco.
Idinagdag pa ni Tansingco na asahan na sa mga susunod na araw ay ay may panibago na namang ipapa-deport na Chinese nationals habang nakikipag-ugnayan ang BI sa Chinese Embassy para sa agarang pagpapalabas ng travel documents ng mga deportees.