Rizal, Laguna, Antique at Dasmariñas City  tumanggap na ng relief goods sa Kamara

Kahit abutin ng gabi hanggang kinaumagahan ay tuluy-tuloy ang pamamahagi ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa mga distrito sa bansa na sinalanta ng bagyong Paeng.

NI NOEL ABUEL

Nagpapatuloy ang pamamahagi ng relief goods ng Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa mga kongresistang humingi ng tulong para mga nasasakupan nito na sinalanta ng nagdaang severe tropical storm Paeng.

Nabatid na kabilang sa mga binigyan ng relief goods ang lalawigan ng Rizal, Dasmariñas, Laguna, at Antique  para maipamahagi sa mga nasalanta ng bagyo.

Tumulong din ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ngayong araw para ikarga ang 100 sako o 1,000 packs ng  relief goods, 100 bundles ng bottled water, at 50 kahon ng corned beef ang ibinigay kay Anakalusugan party-list Rep. Rey Florence Reyes para ipamahagi sa mga apektadong pamilya sa Antique.

Kagabi, sa ikalimang araw, nagtulung-tulong ang mga empleyado ng Kamara at mga volunteers na ikarga ang 150 sako na naglalaman ng 1,500 packs ng relief goods, 100 bundles ng bottled water, at 30 sako ng bigas para kay Rizal 2nd district Rep. Emigdio Tanjuatco lll na ipamamahagi sa mga naapektuhang pamilya.

Gayundin, binigyan din ng 150 sako o 1,500 packs, 100 bundles ng bottled water, 30 sako ng bigas, 10 bags ng diapers at isang kahon ng noodles ang lalawigan ng Laguna para ipamahagi ng Rep. Ma. Rene Ann Lourdes G. Matibag.

Samantala, si Dasmariñas City Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga Jr. ay binigyan ng Kamara ng 100 kahon o 1,000 relief packs, 40 bundles ng bottled water at 10 bags ng bigas.

Pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez ang relief operations kasama ang misis nitong si House Committee on Accounts chairman at Tingog party list Rep. Yedda Marie Romualdez at House Committee on Appropriations chairman at Ako Bicol party list Rep. Zaldy Co at House Majority Leader Mauel Dalipe at iba pang kongresista.

Leave a comment