
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pasasalamat si House Speaker Martin G. Romualdez sa mga kapwa nito mambabatas at pribadong sektor na agad tumugon sa panawagan nito para sa cash at in-kind na donasyon para tulungan ang mga biktima ng severe tropical storm (STS) “Paeng”.
Nabatid na halos naipamahagi na ang lahat ng relief goods na nasa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Batasang Pambansa Complex sa mga apektadong lalawigan sa buong bansa na humihiling ng tulong.
Gayunpaman sinabi ni Romualdez na magpapatuloy pa rin at ang pagtanggap ng donasyon at ililipat na lamang sa isang malapit na bodega para sa pag-iingat bago ihatid sa mga komunidad na apektado ng bagyong Paeng dahil sa magbabalik na ang sesyon sa Kamara ngayong Lunes, Nobyembre 7.
“Karangalan po naming maging instrumento ng ating mga kababayan sa pagtulong sa mga nasalanta ng bayong Paeng. Muli po nating napatunayan na kayang-kaya nating bumangon sa anomang hamon ng panahon kung sama-sama at nagkakaisa,” sabi ni Romualdez.
Una nang umapela si Romualdez sa kanyang Facebook page para sa anumang uri ng tulong para sa mga biktima ng Paeng, kung saan maraming mga kinatawan at donor mula sa pribadong sektor ang tumugon sa pagbuhos ng mga donasyon.
Ang relief drive ay nakaipon ng kabuuang mahigit P26 milyon na halaga ng “in-kind” na mga donasyon at pangako tulad ng mga kumot, pagkain, at toiletry, pati na rin ang mahigit P49 milyon na cash donations at pledges.
Kasabay nito, pinasalamatan din ng House Speaker si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo sa pagtulong sa kanyang mga kasamahan na ang mga nasasakupan ay naapektuhan ng bagyong Paeng sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng departamento.
“And we commend Secretary Tulfo and all members of his team in the DSWD for performing their mandate well,” ani Romualdez.
“To all the beneficiaries of this financial aid, may this government service help you take care of your families. Maraming salamat po at mabuhay kayong lahat,” dagdag pa nito.