
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin sa Department of Health(DOH) na ilagay ang mga gamot para sa leptospirosis sa mga barangay at maging sa paaralan na ginagamit na evacuation center upang agad na magamit sa panahon ng kalamidad.
Ginawa ni Garin ang pahayag matapos ang naging obserbasyon sa naging pananalaasa ng bagyong Paeng na nahirapan ang mga district, provincial at local government units(LGUs) na agad na makapagbigay ng doxycycline sa mga apektadong residente dahil ang supply nito ay kukunin pa sa DOH Regional Offices.
Ang mga gamot at medical supplies bilang paghahanda sa bagyong Paeng ay inilagay ng DoH sa mga regional offices nito ngunit nang manalasa na ang bagyo ay nahirapan nang ibaba ang gamot sa mga LGUs partikular na ang kinakailangang doxycycline.
Inihalimbawa pa ni Garin, sa kanyang distrito sa Iloilo First District ay 6 na araw matapos ang bagyong Paeng Bago nakarating ang doxycycline habang may ilang lalawigan na matinding tinamaan ng bagyo ang hindi pa ito napapakinabangan hanggang sa ngayon.
“Leptospirosis is a preventable disease pero ang nangyayari sa atin huli na yung prophylaxis na para sana sa prevention. Doxycycline to be effective should be initiated as soon as possible” sabi ni Garin na isang doktor.
“’Yung oras ay mahalaga, makainom agad lalo na ‘yung mga high risk individuals pero ang naging problema ay naputol na ang communicaton lines, nasira ang tulay, may ginagawang clearing operations kaya paano ma-pick up ang gamot, matatagalan talaga. So nawala na ‘yung importansya nito na para sana sa prevention,” paliwanag pa nito.
Umaasa si Garin na pag-aaralan ng DoH ang prepositioning ng doxycyxline lalo na at isa ito sa mga gamot na kailangan sa panahon na may kalamidad.
“We are proposing a more practical and responsive solution to prevention of leptospirosis. We should target zero leptospirosis post flooding, hinahabol natin ang protection because leptospirosis easily reaches irreversible stage. Prevention is still the best,” giit ni Garin.
Ang leptospirosis ay nakukuha mula sa kontaminadong ihi ng mga hayop, ang bacteria ay maaring pumasok sa mga sugat, mata, ilog at bibig.
Ang unang sintomas ay maaaring lumabas sa loob ng 2 hanggang 14 araw, kabilang dito ang mataas na lagnat, pananakit ng ulo, muscle pain, chills, pamumula ng mata, sakit ng tiyan, jaundice, pagsusuka, diarrhea at rash. Kung hindi maagaapan ay maaari itong magresulta sa kidney damage, meningitis, liver failure, respiratory distress o kamatayan.
Napatunayan na ng mga eksperto na nakatutulong ang doxycycline upang hindi magkaroon ng malalang kaso ng leptospirosis at alinsunod sa “Interim Guidelines on the Prevention of Leptospiros through the use of prophylaxis in Areas Affected by Floods” na ipinalabas ng DOH ay dapat maibigay ito sa mga apektadong indibidwal sa loob ng 24 hanggang 72 oras mula nang ma-expose sa kontaminadong tubig.