
Ni NOEL ABUEL
Muling pinagtibay ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang pangako na tulungan ang mas maraming Pilipino na naapektuhan ng kamakailang pananalasa ng severe tropical storm Paeng sa bansa.
Kasabay nito, muli ring iginiit ng senador ang kanyang panawagan para sa mga aktibong hakbang upang labanan ang mga natural na kalamidad.
“Magtulungan lang tayo. Sino ba namang magtutulungan kung hindi tayo lang po kapwa nating Pilipino,” sabi ni Go sa panayam matapos personal na magtungo sa Kawit at Bacoor City, Cavite noong araw ng Biyernes, Nobyembre 4.
“At huwag po silang mawalan ng pag-asa. Sabi ko kanina, ang gamit po ay nabibili, ang mga damit natin nadudumihan po, nababaha pero pwede nating labahan ‘yan. Pero ang buhay po na nawala ay wala na po. A lost life is a life lost forever,” dagdag pa nito.
Binigyan-diin ni Go ang pangangailangang tulungan ang mga biktima na makabangon mula sa kamakailang kalamidad, na nag-udyok sa kanya na bisitahin ang mga komunidad na lubhang naapektuhan sa pagsisikap na maibsan ang kanilang mga pasanin at malutas ang kanilang mga problema.
“Importante po buhay tayo. Magtulungan lang po tayo at makakabangon tayo. Kaya po ako nandirito magbigay ng konting tulong, makabigay ng konting solusyon at makapag-iwan po ng kaunting ngiti sa panahon po ng pagdadalamhati ng ating mga kababayan,” ayon pa dito.
Samantala, muling itinulak ni Go ang pagpasa Senate Bill No. 188 na nagtatadhana para sa pagtatatag ng Department of Disaster Resilience, at ang SBN 193 o ang Mandatory Evacuation Center Act of 2022.
“Ito pong isang departamento na cabinet-secretary level. Or kung hindi man po departamento, i-empower natin ang NDRRMC para may tumugon kaagad bago pa dumating ang bagyo, mayroon na hong coordination with the local government units. Mabilis ang koordinasyon, preposition of goods kaagad,” sabi nito.
“Napapanahon na po na magkaroon tayo ng Department of Disaster Resilience, isang departamentong nakatutok talaga,” dagdag pa ni Go.
Idinagdag pa ni Go na panahon na para isaalang-alang ang kanyang panukala para sa paglikha ng mandatory evacuation centers sa bawat lalawigan, lungsod at munisipalidad sa buong bansa upang magsilbing pansamantalang tirahan ng mga nagsisilikas dahil sa kalamidad.
“Bakit hindi natin i-expand din po ang pagpapagawa ng mga evacuation centers dahil walang katapusan po itong nangyayari sa atin, bagyo, baha, sunog? Mayroong maayos na evacuation center sa bawat munisipyo, probinsya o syudad para hindi po maapektuhan ang pag-aaral ng mga estudyante kapag nagagamit po ang kanilang mga eskwelahan tuwing mayroong mga disaster na nangyayari,” paliwanag pa ni Go.
“Kung mayro’n na tayong mga maayos na evacuation center, lagyan natin ng administrator ang evacuation center na siya mismong mamamahala na ayusin, malinis, pahalagahan at hindi sirain ang kagamitan diyan para masigurong magagamit sa oras ng krisis o sakuna,” ayon pa dito.