
NI NOEL ABUEL
Bilang na ang araw ng mga magulang na nagpapabaya sa mga anak o hindi nagbibigay ng sustento.
Ito ay matapos ihain nina Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS party list Reps. Edvic Yap at Jeffrey Soriano ang House Bill (HB) No. 4807na naglalayong patawan ng dalawa hanggang apat na taong pagkakakulong at multang aabot sa P100,000 hanggang P3,00,000 ang sinumang magulang na mapapatunayang tumatangging magbigay ng sustento sa kanilang menor-de-edad na anak.
Paliwanag ni Duterte, ang mga magulang partikular ang mga ama ng tahanan ang madalas na nakikitang nagpapabaya sa kanilang mga anak.
Dagdag pa nito, sa ilalim ng Republic Act (RA) 9262 o ang “Anti-Violence Against Women and Children Act,” ang hindi pagbibigay ng suporta sa anak ay maituturing na “economic abuse” at ikinokonsiderang isang krimen.
Sa ilalim ng HB 4807 ang sustento ay hindi mas mababa sa P6,000 kada buwan, o katumbas ng P200 kada araw.
Samantala, ang pinagsamang buwanang kita ng babae at lalaki ang magdedetermina kung magkano ang ilalalaan sa child support.
Nakasaad pa sa panukala ang pagkakaroon ng National Child Support Program (NCSP) na sasailalim sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay tutulong sa pagkuha ng child support claims.
“The NCSP adheres to the implementation of the Expanded Solo Parents Act (RA 11861) and will help in reducing the clogged court dockets of cases related to child support claims,” ayon sa panukala.
Sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO), sinabi ni Duterte na nasa 15 milyong Filipinos na karamihan ay babae ang itinuturing na solo parents.
“Solo parents already have the responsibility of taking care of their kids on their own. They should not be burdened with the problem of compelling their irresponsible and negligent ex-partners to pay child support,” sabi ni Duterte.
“This proposed law aims to ensure that their kids have sufficient support for their subsistence and other essential needs,” dagdag nito.