
NI NOEL ABUEL
Pinagpapaliwanag ng isang kongresista ang gobyerno at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) kung bakit nagkaroon ng engkwentro sa kabila ng may nakalatag na koordinasyon sa ilalim ng Ad Hoc Joint Action Group (AHJAG).
Ayon kay Basilan Rep. Mujiv Hataman, labis din nitong ikinalungkot ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng puwersa ng militar at ng MILF sa Barangay Ulitan sa munisipalidad ng Ungkaya Pukan sa Basilan kung saan isang sundalo ang nasugatan.
“Nananawagan tayo ng isang agarang ceasefire sa pagitan ng mga nagtutunggaliang puwersa sa aming lalawigan ngayon, para sa kaligtasan ng mga mamamayan na maaring madamay sa palitan ng putukan at para hindi na lumala pa ang sitwasyon. Kawawa ang ating mga kababayan,” sabi ng kongresista.
“Ngayon, ang tanong sa ating isipan, bakit nangyayari pa ang mga ganitong engkwentro? Buong akala natin ay wala nang giyera sa pagitan ng AFP at MILF dahil may kasunduan na para sa kapayapaan at nariyan na ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM na pinamumunuan ng MILF. Pero bakit nagkakaroon pa ng karahasan sa pagitan ng puwersa ng pamahalaan at MILF?” tanong pa nito.
Dapat aniyang maipaunawa ng MILF at militar sa mga taumbayan lalo na sa mga mamamayan ng BARMM kung bakit nababasag ang dapat sana ay matatag na kapayapaan sa Mindanao.
“Nananawagan din tayo ng review para sa mekanismo ng koordinasyon sa pagitan ng pamahalaan at MILF sa mga bagay na may kinalaman sa kooperasyon ng magkabilang panig. Kailangan sigurong pagtibayin na ang mga proseso para hindi na nagkakaroon ng mga ganitong klase ng engkwentro na hindi lamang inilalagay sa peligro ang buhay ng mga tao, kundi pati na rin ang kapayapaang matagal nating pinaghirapang matamo,” ayon pa sa mambabatas.