
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng buong suporta sa isang kongresista sa plano ng administrasyong Marcos na mag-angkat ng abono sa susunod na taon upang mapalakas ang produksyon ng lokal na pagkain at tumulong sa pagpapatatag ng presyo ng domestic food.
Sinabi ni Magsasaka party-list leader at 1st nominee Robert Nazal, na ang nasabing hakbang ay magbibigay ng magandang balita para sa mga magsasaka dahil plano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipamahagi ang ilan sa mga pataba sa kanila nang libre.
“This is indeed a step in the right direction towards achieving food security while supporting our farmers and fighting rising food prices during this difficult period,” sabi ni Nazal.
Sinabi nito na kapuri-puri ang nais ng Pangulo na ipamigay ng libreng abono sa mga magsasaka dahil sa kahalagahan ng fertilizers sa produksyon ng pagkain.
“Fertilizers are added to crops in order to produce enough food to feed the population. Fertilizers provide crops with nutrients, which allow crops to grow bigger, faster, and to produce more food,” ayon pa sa mambabatas.
Nabatid na nakatakdang lagdaan ni Pangulong Marcos ang isang memorandum of agreement para sa paunang importasyon ng 150,000 metriko tonelada ng pataba mula sa China na gagawin sa pamamagitan ng Philippine Trade and Investment Center (PTIC), isang attached agency ng Department of Trade and Industry (DTI).
Inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Agriculture (DA), DTI at PTIC na maghanap ng mga paraan upang masuportahan ang mga magsasaka at mapababa ang tumataas na presyo ng pagkain.
Ang pagtaas ng halaga ng urea, na karaniwang ginagamit na pataba ng mga magsasaka, ay nag-ambag sa pagtaas ng presyo ng pagkain.
Ang DA, na kasalukuyang pinamumunuan ni Marcos, ay naglaan ng P4.1 bilyon para makabili ng 2.277 milyong sako ng mga pataba, na ibibigay ng libre sa mga magsasaka.