
Ni NOEL ABUEL
Nangako si Magsasaka party-list leader Robert Nazal na gagawin ang lahat ng pagsisikap na suportahan ang mga magsasaka na kanyang kinakatawan sa Kongreso upang makapag-ambag sila sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura at sa pagkamit ng food security.
Pinagtibay ni Nazal ang kanyang pangako sa harap ng mga dumalo sa Luzon-wide Territorial and Sectoral Strategic Planning na inorganisa ng Magsasaka party-list sa Quezon City noong nakalipas na Nobyembre 9.
Dinaluhan ng Magsasaka teritorial at sectoral leaders mula sa walong rehiyon ng Luzon, katulad ng Cordillera Administrative Region, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, at National Capital Region.
Ipinarating ni Nazal na ang pagkakataon na kumatawan sa mga magsasaka sa lehislatura ay ang kanyang tinawag na “pinakadakilang karangalan.”
“We have a lot of work to do — farmers and their families are struggling today, and they deserve a champion in Congress who will advance their welfare and interests,” ani Nazal.
Inihayag din ni Nazal ang Medium-Term Development Plan ng party-list group, na nakatutok sa pagpapalawak ng membership na may layuning maabot ang mas maraming magsasaka at mangingisda sa bansa.
Ang Magsasaka ay kasalukuyang nakatutok sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyong panlipunan tulad ng medikal, iskolarship, burial, kalamidad at tulong pangkabuhayan.
Sa nasabing pagpupulong, tiniyak ng mga territorial and sectoral leaders ang suporta kay Nazal at sa party-list group.
Ang Magsasaka ay kabilang sa 55 party-list organizations na nagwagi sa nakaraang May 9, 2022 elections kung saan nakakuha ito ng 272,737 boto.
Si Nazal ay nanumpa sa harap ni Judge Jose Paneda ng Quezon City Regional Trial Court Branch 220 noong Oktubre 10, kasabay ng proklamasyon ng Commission on Elections (Comelec) sa una.
Bilang isang agricultural entrepreneur, si Nazal ay aktibong nagsusulong ng sustainable agriculture kung saan ang kumpanya nitong UAL Bioscience Corporation and HealthWellnessLifestyle o HWL ay gumagamit ng teknolohiya at inobasyon sa agri-business sector.