
Ni JOY MADELINE
Pinapurihan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang 235 job applicants na na-hire on-the-spot sa ikaapat na Mega Job Fair ng lungsod mula noong Hulyo ng taong kasalukuyan.
“Congratulations po sa ating mga na hired on-the-spot! Galingan ninyo po, mga batang Kankaloo. Kung ano man po ang posisyon ninyo ngayon, sikapin ninyo pong pagbutihin para sa inyong mga pamilya,” pagbati pa ng alkalde.
Ang nasabing okasyon ay ginanap sa Caloocan Sports Complex, Bagumbong, kung saan 6,000 job opportunities ang bukas para sa mga naghahanap ng trabaho sa pamamagitan ng koordinasyon ng Public Service Employment Office (PESO) at mga partner agencies nito.
Ayon kay PESO Officer-in-charge Ms. Violeta Gonzales, sa termino ni Mayor Along, ang local recruitment activities at mega job fairs sa lungsod ay nagresulta sa mahigit sa 5,896 trabaho para sa mga residente ng Caloocan City.
Bukod dito, may kabuuang 34,610 na oportunidad sa trabaho ang bukas sa mga mamamayan mula noong Hulyo 2022 mula sa mga partners nito kabilang ang SM Supermarket, Watsons, EEI Corporation, Alorica at VXI, at iba pa.
Nagpahayag din ng tauspusong pasasalamat si Mayor Along sa mga employers sa pagtulong sa pamahalaang lungsod sa misyon nitong mapabuti ang kalidad ng buhay ng bawat pamilya sa pamamagitan ng tuluy-tuloy at pantay na pagkakataon para sa lahat.
“Maraming salamat po sa inyong pagtitiwala sa mga taga-Caloocan. Asahan ninyo pong hindi namin ito sasayangin, masisipag at magagaling po ang mga Batang Kankaloo,” sabi nito.
“Salamat po sa pakikibahagi sa ating hangarin na maiangat ang kalidad ng buhay ng ating mga kababayan. Isa lang po ito sa ating mga programa na magtitiyak na bawat tahanan ay mayroong pantay na oportunidad para kumita,” dagdag ng alkalde.
Gayundin, nagkaroon ng “one-stop-shop” para sa mga serbisyo ng gobyerno na bukas para sa mga nangangailangan ng kanilang dokumento mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), Bureau of Internal Revenue (BIR), Philhealth, PAGIBIG Fund at iba pa.