
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Alan Peter Cayetano na kung hindi maisasaayos ang suliranin ng pagpapatupad ng K-to-12 basic education program ay dapat nang suspendehin ang implementasyon nito.
“The immediate solution is simple: either i-suspend ang K-to-12 for five to 10 years until we have enough resources, or fund the K-to-12 now as it was envisioned,” ani Cayetano sa kanyang interpelasyon ng budget ng Department of Education (DepEd) na ini-sponsor ni Senador Pia Cayetano.
Ayon sa senador, ang pangako ng K-to-12 noong panukalang batas pa lamang ito ay maaari nang ma-employ ang mga graduate kahit na hindi sila magkolehiyo ay hindi naman mangyari.
Inasahan ding mababawasan ang panahon na gugugulin ng mga mag-aaral sa kolehiyo dahil sa implementasyon ng senior high school.
“They [DepEd] promised na bubuhusan ng pera, na after senior high, employable na — ladderized, babawasan ng one year ang college, and better quality of education,” aniya.
Dagdag ni Cayetano, hindi natutugunan ng K-to-12 program ang problema sa kalidad ng edukasyon sa bansa dahil kulang pa rin ang mga pasilidad at programa sa mga paaralan.
“Ang ipinangako sa atin, ‘pag pumunta ka sa school at sports track ‘yan, may oval, gym, equipment, coaches, swimming pool. ‘Pag pumunta ka sa techvoc, may garahe, testing equipment, motor, at akmang professors,” aniya.
Sinabi rin ng senador na nabawasan ang oras na inilalagi ng mga mag-aaral sa eskwelahan mula sa dating walong oras hanggang sa anim na lang ngayon.
“Hindi ‘yan ang usapan namin noon bago naipasa ang K-to-12,” ani Cayetano.
Imungkahi nito na pagtuunang-pansin ng DepEd ang pagpapataas ng kalidad ng edukasyon sa ilalim ng K-to-12 program dahil hindi ito nagtatapos sa pagdadagdag lamang ng dalawang taon sa basic education.
Iginiit din ng senador na ang mahalaga sa mga magulang ay ang makitang nakabubuti sa kanilang mga anak ang K-to-12 program.
Nilinaw naman ni Cayetano na pabor pa rin ito sa K-to-12, ngunit dahil aniya sa mga bigong pangako ng naturang programa sa nakalipas na mga taon, kailangang mamili ang gobyerno sa pagitan ng todo-todong pagpondo dito o pagsuspebde sa implementasyon nito sa loob ng ilang taon upang repasuhin ang programa.