17 Chinese nationals ipinatapon ng BI

Ni NERIO AGUAS

Ipinapatapon ng Bureau of Immigration (BI) sa China ang 17 Chinese nationals na kabilang sa mga dayuhang nagtrabaho sa illegal gambling sa bansa.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang nasabing mga Chinese nationals ay isinakay sa Philippine Airlines flight pabalik ng Wuhan, China ngayong araw.

Nabatid na ito na ang ikatlong batch ng mga dayuhan na sangkot sa illegal online gambling na naipatapon sa kanilang bansa.

Magugunitang noong nakalipas na Oktubre ay unang nai-deport ang anim na Chinese nationals at nasundan noong Nobyembre 2 kung saan 21 ang nai-deport.

Sinabi ni Tansingco na ang 17 Chinese nationals ay bahagi ng mahigit sa 300 foreign nationals, na karamihan ay Chinese citizens, na ipapatapon palabas ng bansa.

Ayon kay Tansingco mismong si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ang mahigpit na binabantayan ang implementasyon ng deportasyon sa mga illegal gambling workers.

Idinagdag nito na regular na nagsusumite ng mga ulat sa estado ng iba pang deportees sa DOJ.

Ang mga na-deport ay awtomatikong kasama sa blacklist order ng BI at hindi na papayagan pang makabalik sa Pilipinas.

Leave a comment