Lokal na produkto suportahan

Ni JOY MADELINE
Pinangunahan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO), ang paglulunsad ng Kadiwa ng Pasko, isang joint venture ng Caloocan local government unit at ng Department of Agriculture (DA) sa Caloocan City Hall-North.
Nabatid na ang Kadiwa ng Pasko ay isang pop-up market ng mga murang bilihin, produkto, at iba pang lokal na produkto na naaayon sa inisyatiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magtatag ng nasabing mga rolling store sa bawat barangay sa buong bansa upang makatulong sa lokal na magsasaka at mangangalakal ay nagtatatag at nagbebenta ng kanilang mga kalakal at gayundin ay nagbibigay ng murang mga produkto para sa mga mamimili.
Ayon sa local chief executive, layunin ng nasabing proyekto na mabigyan ng plataporma ang mga Filipino merchant para maibenta ang kanilang mga produkto, lalo na sa panahon ng darating na Kapaskuhan.
“Ngayong magpa-Pasko, nais natin ibaling ang atensyon ng ating mga kababayan sa mga produktong sariling atin. Mura pero dekalidad na pagkain at pangregalo ang hatid ng Kadiwa sa Pasko,” sabi ni Mayor Along.
Idinagdag naman ni PESO Officer-in-charge Violeta Gonzales na ang proyektong ito ay naglalayon din na matulungan ang mga residente na makahanap ng mga alternatibo sa kanilang mga pangangailangan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo
“Hiling din natin na makahanap sa Kadiwa ang ating mga kababayan ng alternatibo sa kanilang mga pangangailangan o nakasanayan na bilhin lalo’t patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin,” sabi nito.
“Ang bigas po sa Kadiwa, P25 kada kilo at ang asukal naman po P70 kada kilo. Mas mura kung bibilhin sa tindahan o palengke,” ayon pa kay Gonzales.
Kabilang sa mga lumahok na merchants ang Mama Agnes Enterprise, Azulis Bag Collections, Ely-Knows Enterprises, Camsi Trading, at SBM Herbal Soap.
Samantala, sa darating na Nobyembre 25, magkakaroon din ng Kadiwa ng Pasko sa Caloocan City Hall-South.