
Ni NERIO AGUAS
Inaresto ng mga kagawad ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Indian national na illegal na nagnenegosyo sa bansa at walang sapat na dokumento para manatili ito sa bansa.
Kinilala ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan, Jr. ang nadakip na dayuhan na si Inderjeet Bamdev, 36-anyos, sa tahanan nito sa Brgy. Centro Norte, Camalaniugan, Cagayan na nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 37 (a)(7) ng Philippine Immigration Act of 1940.
Ayon kay Manahan, tinangka pang manlaban ng nasabing dayuhan nang arestuhin ito at nagmalaki pang protektado umano ito ng ilang pulis kung kaya’t untouchables.
Base sa pahayag ni Manahan, ang pagdakip sa dayuhan ay bunsod ng natanggap na reklamo ng BI laban kay Bamdev na nagnenegosyo nang walang kaukulang visa.
“It took hours to take Bamdev into our custody as he refused the arrest. He even bragged that he has the backing of some law enforcement officers and that he is untouchable by BI,” sabi ni Manahan.
Sa ginawang beripikasyon sa travel record at visa status ni Bamdey, natuklasan na mahigit sa apat na taon nang nasa bansa ito nang walang hawak na anumang visa.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya si BI Commissioner Norman Tansingco na maraming illegal aliens na nasa bansa ang umiiwas sa mga awtoridad at nagmamatigas na manatili sa bansa.
“It is disappointing how some think they can easily evade the authorities in our country. Nobody is above the law. Adhere by it or face deportation,” giit ni Tansingco.
Kasalukuyang nakakulong sa BI’s detention center sa Taguig si Bamdey habang inihahanda ang pagpapatapon pabalik ng bansa nito.