
Ni NOEL ABUEL
Muling binigyan-diin ni Senador Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng pag-unlad sa mga natamo noong paglaban ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga at kriminalidad, na itinuro kung paano sinira ng pag-abuso sa droga ang buhay ng maraming Pilipino.
Sinabi ni Go na bagama’t maaaring maging kontrobersyal ang giyera ni dating Pangulong Duterte laban sa iligal na droga, nagdulot naman aniya ito ng mga positibong pagbabago sa lipunan.
Patunay umano nito ang ulat ng Philippine National Police (PNP) na ang bilang ng krimen sa bansa ay lubhang bumaba ng 73.76% mula sa pagsisimula ng administrasyong Duterte noong 2016 hanggang 2021.
“Kaya gano’n na lang po ang galit ni (dating) Pangulong Duterte sa droga, (lalo na) sa shabu. Kasi nakakasira po ng utak ‘yun at kapag nandidiyan ang droga, nandiyan ang kurapsyon at nandiyan ang kriminalidad. Kaya sana maintindihan n’yo po mga kababayan ko na talagang dapat sugpuin po itong iligal na droga,” sabi ni Go.
“Ako naman po ay natutuwa na maging parte ng kanyang administrasyon. Alam n’yo nakakawala ng pagod dahil sa ginawa niya para sa ating mga kababayan. Ang sakripisyo niya, para po ito sa kinabukasan ng ating mga anak. Lalung-lalo na po ang kampanya laban sa kriminalidad, laban sa iligal na droga at laban sa kurapsyon sa gobyerno,” dagdag nito.
Paliwanag pa ni Go, tiwala ito na ang kasalukuyang administrasyon, sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ay maipagpapatuloy at mapapahusay pa ang kampanya laban sa ilegal na droga,
“Malaki naman po ang tiwala ko sa ating Pangulong Marcos na ipagpatuloy niya kung anuman po ang paraan — kanya-kanyang style naman ‘yan sa pamamamahala. Ang importante lang po huwag masayang ‘yung gains, ‘yung naumpisahan po ni dating Pangulong Duterte,” ayon pa dito.
Inulit ni Go ang kanyang panawagan para sa multi-faceted approach laban sa illegal na droga sa bansa. Alinsunod dito, naghain ito ng ilang hakbang na naglalayong epektibong labanan ang mga sakit ng lipunan.
Inihain ni Go ang Senate Bill No. 428 na magtatatag ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa bawat lalawigan sa buong bansa.
Ang sentro ay dapat magbigay ng pangangalaga, paggamot at akomodasyon sa mga umaasa sa droga; pahusayin ang kanilang pisikal, sikolohikal at panlipunang kakayahan upang makayanan ang mga karaniwang problema; at magbigay ng after-care, follow-up at social reintegration services, bukod sa iba pa.
“Kung sino ang gustong magbagong buhay ay bigyan natin ng pagkakataon, dagdagan natin ang ating mga drug rehabilitation center. Ako po nag-file rin ako ng bill na ‘yan, at bigyan natin ng tsansa ang mga kababayan natin na magbagong buhay at basta hindi lang matigil ang kampanya laban sa iligal na droga,” aniya.
Bukod sa nasabing panukala, ipinanukala rin ni Go ang SBN 419, na matatatag ng Magna Carta of Benefits para sa mga opisyal at tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).