Sen. Revilla sa DENR: Nasaan ang bilyong halaga ng puno?

Senador Ramon”Bong” Revilla Jr.

Ni NOEL ABUEL

“Nasaan ang bilyong pisong halaga ng mga puno, bakit may mga pagbaha pa rin?”

Ito ang nanggagalaiting tanong ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa ginanap na debate sa Senado sa gitna nang pagdinig patungkol sa FY 2023 budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kung paano umano nito ipinatupad ang National Greening Program (NGP) lalo pa at ramdam na ang epekto ng climate change.

“Halos kalbo na ang ating mga kagubatan at kaunti na lamang ang mga puno sa ating mga kabundukan – mga dahilan kung bakit kapag dumarating ang malakas na ulan ay tiyak ang pagbaba at ragasa ng tubig sa mga pamayanan. Higit pa rito, lubha ring napipinsala ng matinding pagbaha ang ating mga kalsada at tulay,” paliwanag ni Revilla.

Tumagal ang pagtatalo nang simulang hanapin ni Revilla kung nasaan na ang mga itinanim na puno ng DENR sa ilalim ng sinimulang programa, ngunit ayon kay Senador Cynthia Villar—sinabi umano ng DENR na umabot na P58 bilyon ang ginastos simula 2011 na aabot sa 1.855 bilyong puno ngunit 78% lamang ang nabuhay.

Sa puntong ito ay tahasan nang hinanap ni Revilla kung nasaan na ang nabuhay na 1.45 bilyong puno dahil hindi na aniya nakararanas ng pagbaha ang bansa dulot ng ragasa ng tubig mula kabundukan na walang pumipigil.

“Sa tatlumpung milyong hektarya na sumasakop sa buong Pilipinas, saan po ba ito nakatanim? Dahil palagi po tayong lumilipad, naka-chopper, nakikita po natin ang sitwasyon ng ating kabundukan. Napakasama na po ng sitwasyon. Nitong nakaraan lang, kalbong-kalbo ang mga bundok at yung mga natitirang mga puno nakita natin na parang mga palito ng posporong nagtumbahan” diin ni Revilla.

Sa sunud-sunod na relief operation na isinagawa ng butihing Senador, marami umano sa mga biktima ng kalamidad ang nagsusumbong hinggil sa kapabayaan sa kabundukan kaya patindi na nang patindi ang kanilang nararansan na sinasabing nakadagdag pa ang epekto ng climate change.

Sa kabila ng maraming kakulangan sa paliwanag ng DENR hinggil sa malala ng kalagayan ng mga kagubatan at kabundukan ay nagpakita pa rin ng suporta si Revilla para maipasa ang pondo para sa naturang ahensiya.

“We’re here to help. Basta ang importante po ngayon ay tayo ay magtulungan. Climate change ang hinaharap nating malaking pagsubok” pagwawakas pa ni Revilla.

Leave a comment