
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng suporta si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. hinggil sa Senate Bill No. 1410 na naglalayong ideklara ang unang araw ng Pebrero taun-taon na maging National Hijab Day.
Sinabi ni Revilla na ang pagsuportang ito ay hindi isang ordinaryong pakikisama lamang kung hindi isang sinserong pagkilala sa mga kapatid na Muslim hinggil sa yaman ng kanilang kultura at malalim na kamalayan patungkol sa kanilang pananampalataya.
“Sabi nga nila na takot tayo sa mga bagay na hindi natin maintindihan. I think that this is true, the Muslim faith has been maligned especially in popular media bilang mga kidnapper or terorista. Hindi po ito totoo at lalong hindi po ito tamang gawain” saad ni Revilla.
Dahil dito ay kinilala ni Revilla ang pagsisikap ni Senador Robinhood Padilla sa pagpapakalat ng kamalayan hinggil sa mga Muslim partikular sa mga babae na nagsusuot ng hijab at ang kahulugan nito sa kanilang pananampalataya.