
Ni NOEL ABUEL
“Alam nating lahat na walang katumbas ang serbisyo at sakripisyo ng ating mga war veterans na naging makabuluhang bahagi ng ating kasaysayan. Higit sa lahat, hindi natin malilimutan kung paano nila nabigyang-daan ang pagkamit natin ng minimithing kalayaan at pagpapanatili ng kapayaan sa ating bayan,”
Ito ang naging pahayag ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. nang bigyang pugay nito ang kabayanihan ng mga beterano nang magbigay ng co-sponsorship speech hinggil sa Senate Bill No. 1480 na naglalayong itaas ang kanilang disability pension mula P4,500 na maging P10,000 kada buwan depende sa kapansanan.
Ayon kay Revilla, ang Republic Act No. 6948 ay mahigit sa 32-taon nang umiiral at dapat nang amiyendahan ang tinatanggap ng mga beterano na nasa P1,000 hanggang P1,700 kada buwan lamang.
“Mula noon hanggang ngayon, walang patid ang ating pagtingala sa lahat ng kanilang kontribusyon sa bansa. At bilang pasasalamat sa ating mga beterano, nararapat lamang na magtulungan tayo sa pagsusulong ng mga panukalang makapagpapa-angat ng kalagayan nila sa buhay,” dagdag pa ni Revilla.
Binigyang pugay rin ni Revilla ang pagsisikap ni Senador Jinggoy Estrada na siyang nagsulong para maitaas ang kapakanan ng mga itinuturing na bayani at pinagpipitagang beterano.