Caloocan City LGU namahagi ng 150 start up package sa nagtapos sa pagsasanay

Ni JOY MADALEINE

Namahagi ang pamahalaang lungsod ng Caloocan sa pangunguna ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, ng kabuuang 150 start-up packages para sa mga nagtapos ng libreng skills training program ng Caloocan City Manpower Training Center (CCMTC) sa ilalim ng Public Employment Service Office (PESO) noong nakalipas na Huwebes, Nobyembre 24.

Ang nasabing mga start-up package ay naglalaman ng iba’t ibang tools na magagamit ng mga nagtapos bilang start-up package para sa kanilang hairdressing, massage at cosmetology services.

“Liban po sa libreng training, namahagi rin po ang pamahalaang lungsod ng tool kits na magagamit nilang panimula,” sabi ni Mayor Along.

“Nais natin iparamdam sa mga kababayan natin na marami pong oportunidad na magkaroon ng pangkabuhayan sa Caloocan. Kailangan lang po ng tiyaga at dedikasyon,” dagdag pa nito.

Kaugnay nito, may kabuuang 1,227 trainees ang nagtapos sa iba’t ibang e-learning at face-to-face courses ngayong araw, kung saan ang ilan ay kukuha ng NC-II Certification and Assessment na isinasagawa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Sinabi ni Mayor Along na ang CCMTC ay tutulong sa mga sasailalim sa nasabing assessment para matulungang patatagin ang kanilang technical competency.

“Nais ng pamahalaang lungsod na diretso na makapaghanapbuhay ang mga nagtapos sa skills training natin. Habang ‘yung iba naman na gustong ipagpatuloy ang kanilang training para magkaroon ng certification, tutulungan natin sa kanilang assessment sa TESDA,” ayon pa sa alkalde.

Ang enrollment para sa susunod na batch ng mga trainees ay on-going at ang mga interesadong aplikante ay maaaring mag walk-in sa CCMTC Office-Bldg. F. Roxas St., sa pagitan ng 1st at 2nd Avenue, South Caloocan; PESO Office, 6th floor, Caloocan City Hall-South; o sa PESO Office 3rd floor, Caloocan City Hall-North.

Leave a comment