HTAC may pananagutan sa naaksayang 31 milyong bakuna – Rep. Garin

NI NOEL ABUEL

Pinakikilos ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin ang Health Technology Assessment Council (HTAC), ang independent advisory council ng Department of Health (DOH), na maging mabilis at magpalabas ng napapanahong rekomendasyon lalo pagdating sa bakuna upang hindi na maulit ang nasayang na COVID vaccine na nagkakahalaga ng P15.6 milyon.

Sinabi ni Garin na mandato ng HTAC na nabuo sa ilalim ng Republic Act 11223 o Universal Health Care Act,  na magbigay ng abiso sa DOH at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung ano ang dapat na gawing health interventions.

Ang HTAC Core Committee ang nagbibigay ng pinal na rekomendasyon base sa naging assessment o evidence appraisal ng HTAC subcommittees, gayunpaman, nagkakaroon ng matagal na desisyon na inaabutan na ng pagka-expire ng mga bakuna.

“Isa sa masalimuot na katotohan sa Pilipinas ay ang bawat desisyon ng DOH ay dadaan muna sa HTAC na sa ilang pagkakataon ay nararapat, subalit may ilang sitwasyon na masyadong matagal ang rekomendasyon na bandang huli ay nawawalan na ng bisa gaya na lang sa nangyari sa COVID vaccine,” paliwanag ni Garin.

Aniya, inasahan na nilang maraming maaaksayang Covid vaccine dahil habang ang ibang bansa ay nagsisimula na ng kanilang booster shot, ang HTAC ay hindi pa nagdedesisyon  kung kailan ibibigay ang bakuna, iniintay nito ang resulta ng kanilang isinagawang trials subalit ang ibang bansa ay nagbase na sa real world data, nakikita na maraming namamatay, marami ang nagkakasakit kaya nagsimula na ito agad na magbigay ng booster.

“Nakakapanghinayang talaga ‘yung nag-expired na bakuna, although we saw it coming kasi kung maaaala n’yo as early as June and July maigting na ang panawagan na pahintulutan ang unang booster kasi paparating na ang delta variant. Tumagal ito at pinayagan sometime in December pa, kung saan medyo madami na ang na-infect at madami na ang namatay at nang payagan ang  2nd booster ay dahil pa-expire na ang bakuna,” paliwanag pa ng kongresista.

Sa laban sa infectious diseases, giniit ni Garin na isang vaccinologist, na ang pagbabakuna ay laging epektibo sa harap ng infection, kaya dapat kung may outbreak sa unang kaso pa lang ay samantalahin na ito.

“You take advantage sa awareness ng mga tao kasi ‘yon talaga ang panahon na madami ang magpapabakuna. If you miss that window, almost always kapag wala ka nang nakikitang namamatay, itinatakbo sa hospital,  nawawala ang adrenalin ng tao magpabakuna, ‘yan ang behavior ng vaccination ever since,” dagdag pa nito.

Pinuna  rin ni Garin ang kawalan ng “flexibility” ng HTAC kung kaya’t maraming resources ang naaksaya at halimbawa nito ang nangyari sa Covid vaccine na bumili ng madaming bakuna ang private sector na gusto nilang  gamitin para sa booster shot subalit hindi agad pinagamit.

“Parang kumbaga masyadong by the book, empowering HTAC too much that all decisions of DOH will have to depend on the council na hind naman full time at walang accountability, what happens is maraming nasasayang na resources, so we really have to amend the UHC law na may mga killer provisions,” pahayag pa ni Garin, na dati ring naging kalihim ng DOH.

Bukas si Garin na maghain ng panukala sa Kamara para maamiyendahan ang ilang probisyon na nagbibigay ng kapangyarihan sa HTAC, aniya, hindi nito inirerekomenda na i-abolish ang HTAC bagkus ay limitahan lang ang saklaw nito sa health tech assessment o ang pagtatakda sa pricing ng mga bibilhing resources at hindi na pakikialaman ang program implementation upang maiwasan na magkaroon ng problema.

Umaasa ito na makakakuha ng suporta sa mga kapwa mambabatas para sa pag-amiyenda sa ilang probisyon sa UHC law partikular sa sakop ng HTAC.

Leave a comment