
NI NOEL ABUEL
Pinadedeklara ng isang kongresista na gawing ecotourism ang Malamawi Island na matatagpuan sa lungsod ng Isabela, Basilan.
Sa inihaing House Bill No. 6293 no. 6293 ni Basilan Rep. Mujiv Hataman, inaatasan nito ang Department of Tourism (DOT) na gumawa ng proyekto upang maging tourism destination ang nasabing isla.
“Panahon na para magbunga naman ang pinagtulung-tulungan at pinaghirapang kapayapaan para sa kapakanan at ika-uunlad ng mga komunidad sa Basilan. Ang pagpapaganda ng Malamawi Island ay isang hakbang tungo sa isang progresibong kinabukasan,” sabi ni Hataman.
Aniya, sa kasalukuyan ay marami nang nagtutungo sa Malamawi Island para magbakasyon dahil sa taglay nitong tanawin at magandang lugar.
“Sa katunayan, madami na ang pumupunta sa Malamawi Island para magbakasyon dahil tunay na napakaganda ng tanawin doon. Ang nakikinabang sa maraming bisita ay ang mga komunidad sa isla sa ilalim ng pagpapatnubay ng lokal na pamahalaan ng Isabela City,” ayon pa sa mambabatas.
“Higit na yayabong ang kabuhayan ng mga komunidad na ito kung mapapaunlad ang Malamawi Island sa pamamagitan ng mga programa at imprastrukturang magpapaganda dito. Ito ang pangunahing layunin ng panukalang ito,” dagdag pa nito.
Sinabi pa ni Hataman na magbubunga rin ng trabaho ang nasabing proyekto para sa mga residente ng Basilan at iba pang karatig na lalawigan.
Ayon pa sa panukala, ang Malamawi Island ay isang maliit na isla sa Basilan na may mahabang puting buhangin sa bahagi ng northern coast.
Maliban pa dito ang crystal blue water, pinong buhangin, at nakakalulang tanawin.
Nabatid na sa tourist arrivals sa Isabela City, umabot sa 60,549 ang naitala noong 2019 at umabot naman sa 112,275 noong Oktubre 2022 subalit nabawasan ang bilang ng dumating na turista noong 2020 at 2021 dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
“The Malamawi Island, in the City of Isabela, Province of Basilan is hereby declared an ecotourism zone. Its development shall be prioritized by the DOT, subject to the rules and regulations governing the development of ecotourism zones,” nakapaloob sa HB 6293.
“Within one year after the approval of this Act, the DOT shall, in coordination with the local government units of the City of Isabela … and agencies of the government, prepare a tourism development plan involving the construction, installation, and maintenance of appropriate infrastructure and facilities that shall encourage tourism in the area,” sa bahagi ng Sec. 2.
Anumang tourism development plan na gagawin aniya ng DOT ay dapat na ikonsulta muna sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang matupad ang konsepto ng ecotourism ng nasabing isla.
Umaasa si Hataman na sa tulong ng pamahalaan, ang Malamawi Island ay maihahalintulad na sa Boracay at Siargao.