
NI NERIO AGUAS
Sinibak na ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang serbisyo ng mga empleyado nitong sangkot sa tangkang pangingikil sa isang Chinese national sa Ayala Alabang Village, Muntinlupa.
Ayon kay Tansingco, nahuli ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) ang isang empleyad nitong si Jonathan Caliwag Salud, 46-anyos, isang immigration officer kasama ang 9 na iba pa noong nakalipas na Nobyembre 22.
Nabatid na naaresto ang mga nasabing indibiduwal ng mga operatiba ng SPD matapos na magpakilalang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at tinangkang arestuhin at kikilan ang isang Chinese national.
Sinasabing ang naturang immigration personnel ay isang job order lamang at hindi maituturing na empleyado ng ahensya.
.“Upon checking our records, we confirmed that he is not an immigration officer, but rather a job order employee. As a job order employee, he was not authorized to conduct arrests, and was actually assigned to do simple office tasks,” sabi ni Tansingco.
Ayon sa opisyal, bilang job order employees na isang contractual personnel ng BI, anim na buwan ang kontrata nito sa ahensya.
Sinabi pa ni Tansingco, nang malaman nito ang insidente ay agad na iniutos nito ang pagsibak sa serbisyo ni Salud kasabay ng pakikipagtulungan ng BI sa Philippine National Police (PNP) na siguruhin na sampahan ito ng kasong kriminal.
“People like him tarnish the name of the Bureau that we work so hard to improve. We will not tolerate any such illegal activities, hence we immediately terminated his services, and he will continue to face the criminal charges that might be filed against him,” sabi ng BI chief.
Nabatid na maliban kay Salud, naaresto rin si David Tan Liao, Chinese-Filipino, 46-anyos, ahente ng isang travel agency; Fritz Ian Petil Cafino, 33-anyos, utility personnel ng Long-Shang Travel Agency; Ronaldo Cadalena Zuniega, 33, utility personnel din ng nasabing travel agency; Andy Ko Sy, 50, driver/Chinese dialect translator; Erlindo Cuago Auditor, 48, tricycle driver; Roderick Segundo Ensano, 48, taxi driver; Bienvinido Biolango Vildad Jr, 47, driver; Ernesto Solamillo Baay, 45, driver; at Roberto Daradar Pacis, 65, messenger.
Base sa ulat ng SPD, dakong alas-9:00 ng umaga noong Nobyembre 22 nang pasukin ng mga suspek na sakay ng isang Ford Expedition (NBG-3701) ang isang Ford Explorers (NBS-6351) ang Madrigal Gate ng Ayala, Alabang Village at nagpakilala sa mga security guard na sila ay bibisita lamang sa mga kaibigan sa Ma. Cristina St.
Pinasok ng mga ito ang bahay ng biktimang si Weijian Pan, Chinese national, 33-anyos sa Country Club Drive kung saan nagpakilala ang mga suspek na mga ahente ng NBI at hiningan ng P40M kapalit ng kalayaan nito.
Agad namang nalaman ng SPD ang pangyayari hanggang sa magsagawa ng operasyon na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
