
Ni NOEL ABUEL
Kasunod ng pagkakatukoy ng COVID-19 Omicron BQ.1 sublineage sa bansa, muling iginiit ni Senate Committee on Health chairman at Senador Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng pagpapabakuna at pagpapalakas pati na rin ang patuloy na pagbabantay sa paglaban sa banta tulad ng COVID-19.
“Huwag ho tayong maging kumpiyansa. Habang nandiriyan po ang COVID (dahil) nagmu-mutate po ito,” sabi ni Go.
“Hindi naman natin alam kung gaano kalakas ito, deadly ba itong bagong variant. Ngunit habang nandiriyan si COVID, delikado. Huwag maging kumpiyansa,” dagdag nito.
Inihayag ng health officials noong Biyernes na natukoy ang “highly transmissible at immune-evasive” na sublineage ng Omicron BQ.1 sa bansa at kinumpirma ng Department of Health ang 14 na bagong kaso ng BQ.1.
Labintatlo sa mga ito ay nakita sa National Capital Region, CALABARZON, Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, at Central Visayas.
Sinabi ng DOH na ang mga kasong ito ay umabot sa 0.03% ng kabuuang bilang ng mga subvariant ng Omicron sa bansa.
Buwan ng Agosto nang maitala ang COVID-19 wave na tumama sa bansa na maaaring sanhi ng BQ.1, isang sublineage ng BA.5 na nagmula sa Omicron, ayon sa Philippine Genome Center.
Kung ihahambing sa iba pang mga subvariant ng Omicron, ang BQ.1 at BQ.1.1 ay sinasabing mas nakakahawa at immune-evasive.
Samantala, hinimok ni Go ang mga Pilipino na magpabakuna at palakasin ang kanilang immunity sa lalong madaling panahon.
“Paigtingin po natin ang ating pagpapabakuna. Ang bakuna po ang tanging susi o solusyon para unti-unti na tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay. ‘Pag qualified na ho kayo sa booster, magpabooster na po tayo kaysa naman po masayang itong mga bakuna at nae-expire po,” sabi pa ni Go.