20% diskuwento sa toll gate para sa PWDs iginiit

Rep. Marvin Rillo

NI NOEL ABUEL

Isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbibigay ng 20 porsiyento diskuwento sa toll gate prices para mga persons with disabilities (PWDs).

Sa House Bill No. 5275 na inihain ni Quezon City Rep. Marvin Rillo, layon nito na pagkalooban ng 20 porsiyentong diskuwento sa toll road prices sa mga skyway, expressway  na binabayaran sa pamamagitan ng radio frequency identification (RFID) o kahalintulad na sistema .

 “Once enacted, our measure will surely give more substance to the mandate of the Constitution for the State to prioritize the needs of Filipinos who are highly vulnerable to marginalization,” ayon kay Rillo na nagsabing naaayon ito sa pagdiriwang ng International Day of Persons with Disabilities sa Disyembre 3.

Sa kasalukuyan, ayon sa National Disability Prevalence Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 12 porsiyento ng mga Filipino na may edad 15-anyos pataas ang nakakaranas ng  severe disability.

Nakasaad din sa survey na ang  “severe disability” ay nakakaapekto sa mas maraming kababaihang Filipino na nasa 15 porsiyento na mas marami sa 9 porsiyento ng mga kalalakihan.

Sa ilalim ng nasabing panukala, para makuha ang 20 porsiyentong diskuwento, ang mga sasakyan na dadaan sa skyway o expressway ay dapat na nakarehistro sa pangalan ng PWD na isusumite ang kanilang PWD ID card sa tollway operator sa pag-apply ng RFID tag.

Ang Department of Transportation (DOTr)-Toll Regulatory Board (TRB) ang maglalabas ng panuntunan sa pagpapatupad ng nasabing programa.

Ayon kay Rillo  ang HB 5275 ay aamiyendahan ang Magna Carta for Disabled Persons na nagsasaad ng mga pribilehiyo at benepisyo kabilang ang 20 porsiyentong diskuwento at value-added tax exemption sa bawat pagkain at serbisyo.

At sa kasalukuyan, natatanggap ng PWDs ang 20 porsiyentong diskuwento sa mga public transport fares kasama na ang train ride tickets.

Leave a comment