
NI NERIO AGUAS
Nakatakda nang ipatapon palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang dayuhan na nahuli sa magkahiwalay na operasyon sa Pasig at Bulacan dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Act.
Kinilala ni BI intelligence division chief Fortunato Manahan Jr., ang naarestong dayuhan na si Benjamin Akomeah, 38-anyos, ng Ghania na nadakip noong nakalipas na Nobyembre 9 sa isang condominium sa Pasig City.
Nabatid na si Akomeah ay sasailalim sa summary deportation order na inilabas ng board of commissioners ng BI, dahil sa pagiging undesirable alien.
Sinasabing nang maaresto ang nasabing dayuhan ay wala itong maipakitang dokumento para manatili sa bansa.
Samantala, isang American national na si John Randall Wilson, 72-anyos, ay nadakip sa San Jose del Monte City ng pinagsanib na puwersa ng BI at ng San Jose Del Monte City Police Station at mga barangay officials sa isang bahay sa San Jose Del Monte, Bulacan noon Nobyembre 14.
Isang mission order ang inilabas ni BI Commissioner Norman Tansingco laban kay Wilson dahil sa pagiging overstaying na tahasang paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940.
Sa record, si Wilson ay inirereklamo ng mga kapitbahay nito dahil sa illegal na pagkuha nito ng larawan at video ng ilang kabataan at inilalagay sa social media at ilang websites.