Gawad Kalasag Seal of Excellence tinanggap ng Caloocan DRRMO

Ni JOY MADALEINE

Pinarangalan ng Gawad Kalasag Seal of Excellence ang lokal na pamahalaan ng Caloocan City sa mahusay na pagganap sa pagtulong sa mga nangangailangan.

Personal na tinanggap ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, ang nasabing parangal ay dahil sa ‘Fully Compliant’ rating ng Caloocan Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).

Ang nasabing parangal ay iginawad ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), na nagsasaad na ang Lungsod ng Caloocan ay sumusunod sa mga pamantayan para sa pagtatatag at paggana ng mga lokal na konseho na itinakda sa Republic Act no. 10121.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Mayor Along sa NDRRMC para sa pagkilala at pinuri rin ang CDRRMO sa pagsisikap nitong sundin ang kanyang mga direktiba alinsunod sa paghahanda sa mga kalamidad at sakuna.

“Nagpapasalamat po tayo sa NDRRMC sa pagkilalang ito. Nagsisikap po ang pamahalaang lungsod upang tiyakin na handa ang Caloocan sa anumang sakuna,” ayon sa alkalde.

“Kinilala ko po ang lahat ng bumubuo sa CDRRMO, sa pangunguna ng kanilang Chief of Office na si Dr. James Lao at Action Officer Alex Nadurata. Patuloy na nagbubunga ang inyong pagtugon sa ating direktiba noong ating inagurasyon hanggang sa ating State of the City Address na palakasin ang ating pagresponde sa sakuna at aksidente,” dagdag nito.

Matatandaan, na inilunsad ni Mayor Along ang pagtatayo ng walong (8) Quick Response Stations sa buong lungsod at inatasan ang CDRRMO na sanayin ang mga first responder nito para sa efficient response time lalo na sa panahon ng kalamidad.

“Sinanay natin ang ating first responders para sa mas maagap na pagtugon sa panahon ng kalamidad, ikinalat din po natin ang walong Quick Response Station sa tatlong distrito ng lungsod,” ayon pa sa alkalde.

“Kaugnay ng ating sinabi noong ating unang SOCA, isa sa mga pangarap ko para sa ating lungsod ang maging isa tayo sa nangungunang DRRM Office sa buong Pilipinas. Hangad natin na maging alerto, handa at maaasahan ng bawat Batang Kankaloo,” giit nito.

Leave a comment