Pag-amiyenda sa anti-agricultural smuggling law ipinasa na ng Kamara

Ni NOEL ABUEL

Inaprubahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na naglalayong amiyendahan ang Republic Act (RA) No. 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 upang isama ang malakihang pagpupuslit ng tabako at iba pang produktong tabako bilang isang krimen ng pananabotahe sa ekonomiya ng bansa.

Nabatid na noong Lunes ay ipinasa sa huli at ikatlong pagbasa ang House Bill No. 3917 sa botong 225 pabor ng mga kongresista na nag-aamiyenda sa Section 3 ng nasabing batas.

Sa ilalim ng panukala, ang krimen ng economic sabotage sa pamamagitan ng large-scale agricultural smuggling ng tobacco, kabilang ang mga natapos na produkto gaya ng tabako, cigarette o heated tobacco na produkto, na may pinakamababang excise tax at VAT na babayaran sa halagang P1 milyon, bilang halaga ng Bureau of Customs (BOC), ay ginagawa sa pamamagitan ng pag-import sa Pilipinas nang walang kinakailangang permit sa pag-import mula sa mga regulatory agencies; gamit ang mga import permit sa natural o juridical, maliban sa mga partikular na pinangalanan sa permit; o paggamit ng peke, kathang-isip o mapanlinlang na mga permit sa pag-import o mga dokumento sa pagpapadala.

Ang kasalukuyang batas ay nagpaparusa lamang sa malakihang pagpupuslit ng asukal, mais, pork, manok, bawang, sibuyas, karot, isda, at gulay, o sumailalim sa mga simpleng proseso ng paghahanda o pag-iingat para sa pamilihan, na may pinakamababang halaga na P1 milyon o bigas, na may pinakamababang halaga na P10 milyon.

Ang iminungkahing panukala ay nagpaparusa rin sa broker, ahente, facilitator, forwarder, o nagpapaupa ng bodega na lumabag na importer; at pagpapahintulot sa paggamit ng pribadong daungan, daungan ng isda, lugar na bagsakan ng isda, resort, at/o paliparan upang ipagpatuloy ang economic sabotage anuman ang dami.

Kasama rin sa aamiyendahan ang Section 4 ng batas na nagpapataw ng pagkakakulong ng 30 hanggang 40 taon at multa na katumbas ng doble at kabuuang halaga ng buwis, duties at iba pa na iiwasan ang smuggling ng tobacco, manufactured o unmanufactured, kasama ang mga finished products tulad ng cigars, cigarettes o heated tobacco products.

Ang mga parusang ito ay maaaring ipataw sa rehistradong may-ari at sa nangungupahan o nag-arkila ng isang chartered boat, trak, bodega o presidente o punong ehekutibong opisyal ng pribadong daungan, daungan ng isda, mga lugar na babagsakan ng isda, mga resort, na sadyang nagdadala ng produktong tabako na napapailalim sa economic sabotahe na isang non-bailable ang pagkakasala.

Kabilang sa mga may-akda ng panukala sina House Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos, House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, at Reps. Margarita Ignacia B. Nograles, Elpidio F. Barzaga Jr., Juan Carlos “Arjo” C. Atayde, Patrick Michael D. Vargas, Zia Alonto Adiong, Paolo Z. Duterte, Eric Go Yap, Wilfrido Mark M. Enverga, Michael M. Morden, Bryan B. Revilla, Rhea Mae A. Gullas, Christopher V.P. De Venecia, Eleanor C. Bulut-Begtang, Presley C. De Jesus, Mark O. Cojuangco, at Marlyn L. Primicias-Agabas.

Leave a comment